Ebanghelyo, Part 1, Si Cristo ay nagsalita sa TalinghagaThis is a featured page

SI CRISTO'Y NAGSALITA SA TALINGHAGA, SA MGA PANANALITA NA DI MADALING UNAWAIN NG ISIPANG MAKALUPA 0 MAKALAMAN

Gaya ng nasusulat, "Lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga Talinghaga; at kung hindi sa mga talinghaga ay hindi niya sila kinakausap: Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng mga propeta, na nagsasabi, Bubukhin ko ang aking bibig sa mga Talinghaga; Sasaysayin ko ang mga NATATAGONG BAGAY Buhat nang Itatag ang Sanglibutan." (MATEO 13: 34-35).

Kaya nga, sa harap ng Madla o Karamihan, ang Panginoong Jesus ay nagsalita sa pamamagitan ng mga talinghaga; nguni't sa bukod o hiwalay sa karamihan, ay kaniyang Nililiwanag sa kaniyang mga alagad ang mga kahulugan niyaon. At nang siya'y tanungin ng mga alagad, kung bakit niya pinagsasalitaan ang karamihan sa mga talinghaga, ay kaniya namang sinabi sa kanila," Sa inyo'y ipinagkaloob ang Mangakaalam ng mga Hiwaga ng Kaharian ng Langit, datapwa't Hindi ipinagkaloob sa kanila. Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kanya." (MATE0 13:10-12).

Kaya nga, mga kapatid, ang Pagkaalam ng mga Hiwaga ng Kaharian ng Dios ay hindi ipinagkaloob sa lahat o sa karamihan, bagkus sa iilan lamang na hinirang at pinagpala ng biyayang makaalam sa pamamagitan ng pananampalataya. At sapagka't sa pamamagitan ng mga talinghaga nagpatotoo si Jesucristo, marami ang hindi tumanggap sa kaniyang mga pananalita dahil hindi nila lubos na napagunawa.

Gaya ng sinasabi ng Kasulatan, "Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang Batong Panulok na Pangulo, hirang mahalaga: At ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya. Sa inyo ngang nangananampalataya, siya'y mahalaga: datapwa't sa hindi nangananampalataya, Ang batong itinakuwil ng nagsisipagtayo ng bahay Siyang naging pangulo sa panulok ; At Batong Katitisuran, at Batong Pangbuwal; Sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail: na dito rin naman sila itinalaga." (1 PEDRO 2: 6-8/ ROMA 9: 32-33).

Oo, maging ang mga pantas na Judio, mga eseriba, mga saserdote, at mga tagapagturo ng kautusan ay nangalito lahat at nangatisod sa patotoo ni Jesus sa Katotohanan. Gaya nga ng sinabi ni Jesus sa kanila, "Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? Sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita . . . Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan. Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan? Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios . " (JUAN 8: 43-47).

Sa katotohanan nga, mga kapatid, walang tao sa ganang sarili (ako man o ikaw) ay makakayang dinggin at tanggapin ang mabibigat na pananalita ni Cristo, maliban na nga kung ito'y ipinagkaloob sa kaniya ng Dios. Kaya nga, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag, na nagsasabi, " Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. . . Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama." (JUAN 6:44,65).

At dahil nga sa kaniyang mga mabibigat at matalinghagang salita na mahirap unawain ng isipang makalaman, marami rin sa kaniyang mga alagad ang hindi na nagpatuloy na lumakad kasama ni Jesus, maliban na lamang sa 12 hinirang na Alagad. (JUAN 6: 66-68). Kaya nga't pati ang Propetang si Juan (Bautista) ay nagpatotoo kay Jesus, na nagsasabi, " At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatotohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo. Ang tumatanggap ng kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang Dios ay totoo" (JUAN 3: 32-33).

Susunod





lordcenon
lordcenon
Latest page update: made by lordcenon , Oct 20 2007, 4:54 PM EDT (about this update About This Update lordcenon Edited by lordcenon


view changes

- complete history)
Keyword tags: ebanghelyo Gospel jesucristo
More Info: links to this page
There are no threads for this page.  Be the first to start a new thread.

Related Content

  (what's this?Related ContentThanks to keyword tags, links to related pages and threads are added to the bottom of your pages. Up to 15 links are shown, determined by matching tags and by how recently the content was updated; keeping the most current at the top. Share your feedback on Wetpaint Central.)