Saliksikin : Kabanata 2 Ano ang relihiyonThis is a featured page

KABANATA 2
ANO ANG RELIHIYON?

Ang relihiyon ay sumibol sa sanglibutan nang dumating sa mga tao ang pananampalataya sa Dios. Sapagka’t ang relihiyon ay nagpapahayag ng uri ng pananampalataya, o paraan ng pagsamba, o ng patakaran ng pamumuhay ng tao sa mata ng Dios. Ang katagang relihiyon ay isang salitang binuo ng wika ng tao na hango sa salitang latin, Re-Ligare o sa wikang Griego, Re-Legion, na nangangahulugan ng muling pagsasama o pagbubuklod, muling pagkakaisa sa pananampalataya.

Gayunma’y sa halip na pairalin ang tunay na diwa ng relihiyon ay nagpasimulang mangagmataas ng pag-iisip at mangagmarunong ang maraming saserdote at pastor; at sa pagtayo ng kani-kaniyang na naging pasimula ng pagkakabahabahagi at pagkakampikampi ng mga taong nagsisisampalataya. Sa ganito nga’y nawala ang dalisay na kahulugan ng relihiyon at sa kalaunan ay naging bukambibig ang salitang ito na pinalitan ng ibang pakahulugan; hindi na ang pagbubuklod at pagkakaisa, kundi ang pagkakabahabahagi at pagkakampi-kampi.

ANG RELIHION SA SANGLIBUTAN

Sapagka’t ang salitang Relihion ay tumutukoy sa uri ng pananampalataya sa makapangyarihang Dios ay narito nga ang ilang halimbawa ng mga relihion sa sanglibutan. Ang sumasamba sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus ay tinataguriang Cristiano; kaya’t ang relihiyon ito ay tinatawag na Cristianismo.

May mga iba naman na sumasamba sa Dios sa pamamagitan ng pangalang Buddha, kaya’t ang relihion ito’y tinatawag na Buddismo; ang ilan pang relihion ay ang Mohamedanismo, Sintuismo, Paganismo, Spiritismo, Mystisismo at marami pang iba.


Tayo nga ay nabibilang sa relihiyong Cristianismo at matatawag na mga Cristiano kung sumasampalataya kay Cristo ng buong puso at katotohanan, Ito nga ang relihiong nagbubuklod sa atin sa pagkakaisa. Datapuwa’t sa hindi pagkaunawa ay binigyan ng ibang pakahulugan ng ilang mga tao na samantalang relihion ang sinasabi ay ang tunay na tinutukoy pala ay ang relihiong samahan o sekta o denominasyon na siyang pagkakabahagi ng isang relihion.


Kasaysayan ng Pinagmulan ng relihion

Ang diwa ng relihion ay dumating sa tao buhat pa ng pasimula nang mapagkilala ng tao ang kaniyang dakilang Manlilikha at mapagtibay
sa kaniyang sarili na sambahin ang kapangyarihan at kabanalan ng Dios. Sa Eden nagmula ang pagsamba at pananampalataya sa Dios sa pamamagitan ni Adam na unang tao na nilalang ayon sa larawan at wangis ng kaniyang Dios. Gayunman, ang relihion o ang uri ng pananampalataya ng ating magulang na si Adam ay hindi gaya ng inaakala ng mga tao sa kasalukuyan na tumutukoy sa pangalan o panawag sa mga samahan o organisasyon, bagkus ang pananampalatayang gumagawa ng pag-ibig at pagtupad sa utos at kalooban ng Dios. Samakatuwid baga’y ang relihion sa mata ng Dios ay hindi yaong ayon sa mata ng mga tao; sapagka’t sa mata ng tao ang relihion ay ang mga sekta at denominasyon at mga samahang ayon sa laman, datapuwa’t sa mata ng Dios, ito ay ang mga “gawa ng pananampalataya” o ang “buhay na pananampalataya na gumagawa ng patotoo sa buhay ng isang tao”

Ang tunay na relihion ay hindi nga ang mga samahan o organisasyong
ayon sa kaugalian ng sanglibutan, bagkus ito’y ang “pagkakapatiran at pagkakaisa sa Espiritu sa Pangalan ng Panginoon”. Ang tunay na relihion ng pananampalataya ay dinala mula kay Adam hanggang kay Noe na nagpatotoo sa kaniyang mga gawa ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagyari ng isang malaking daong o sasakyang-dagat alinsunod sa ipinag-utos ng Dios. At mula kay Noe ay nagpatuloy ang pananampalataya hanggang kay Abraham na siyang ginawan ng Dios ng kaniyang Unang tipan sa mga tao. Na sa pamamagitan ng isang gawa ng pananampalataya ng pagaalay sa kaniyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios ay tumanggap ng karangalang matawag na “kaibigan ng Dios”. At mula kay Abraham ay nagpatuloy rin hanggang kay Moises ang relihion na ayon sa Espiritu at Katotohanan na sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay pinamunuan niya ang paglalakbay ng mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto tungo sa lupang ipinangako ng Dios. Sa pamamagitan pa rin ni Moises ay ibinigay ang kautusan ng Dios at ang paghirang sa sambahayan ni Levi upang ganapin ang mga gawain ng mga saserdote. Dito nga nagsimula ang pagkakaroon ng mga saserdote at relihion ng mga Judio ng Unang tipan ayon sa palatuntunan ng kautusan ng Unang tipan.

Nang dumating nga ang Cristo ng Dios sa sanglibutan, samakatuwid baga’y ang Panginoong Jesus, ay nasumpungan niyang ganito ang kalagayan
ng pananampalataya ng mga anak ni Israel. Ang relihion ng mga Judio ay nababahagi na sa dalawang grupo o dinominasyon, ang Fariseo at ang saduceo. Ang mga Fariseo ay naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli datapuwa’t ang mga Saduceo ay nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. At ang mga Pangulong Saserdote at matatanda sa relihion ng mga Judio ay mahigpit na pinatutupad ang mga palatuntunan ng kautusan ng Unang Tipan ng ayon sa laman. Kaya nga’t nang magpasimulang ipangaral ng panginoong Jesucristo ang Evangelio ng Kaharian sa tunay na katuwiran ng Dios, ukol sa pagganap ng mga kautusan ayon sa Espiritu, ay nagbigay nga ng malaking katitisuran sa mga Judio. At dahil sa kapanaghilian, sapagka’t ang buong bayan ay nanggigilalas sa kanyang turo at makapangyarihang gawa, at sa takot na kunin ng mga Romano ang kanilang lupain, ay nagtindig ang mga Fariseo laban kay Jesukristo na siya’y ipapatay. Datapuwa’t ang lahat ay nangyari sa kalooban ng Dios upang matupad ang mga kasulatan at mga Propeta na ang Cristo ay mamamatay upang tubusin ang sangkatauhan.

SIMULA NG PAGTATAYO NG MGA SEKTA NG RELIHION

“Sinabi nga ng Panginoong Jesus, Ang Kaharian na nagbabahagi laban sa kanyang sarili ay magigiba, at ang sambayanan na nagbabahagi
laban sa kanyang sarili ay hindi mananatili. Kung pinalalabas nga ni Satanas si satanas, siya nga ay nagbabahagi laban sa kanyang sarili, paano nga mananatili ang kanyang kaharian?” (MATEO 12:24-28) “Kaya nga’t sinulat din ni San Pablo na hangga’t mayroon pa sa mga tao ng mga pagkakabahabahagi, pagkakampi-kampi, mga hidwaang pananampalataya, pagtatalu-talo, ay wala pa sila sa katotohanan bagkus sila ay lumalakad pa ayon sa laman at hindi sa Espiritu; ang mga ganito’y mga anak pa ng sanglibutan at hindi pa inaring mga anak ng Dios.” (1 CORINTO 3:3-8)

At dahil dito’y laging nagsusulat na paalaala ang mga banal na Apostol sa Lahat ng mga Iglesia ng Panginoon nasa pangangalat na mangagkaroon ng iisa lamang pag-iisip, isang pananampalataya at isang pag-ibig; na mangaglingkod ng may pagkakaisa sa Pangalan ng Panginoon. Datapuwa’t hindi natin matatamo ang dakilang pagkakaisa hangga’t tayo’y nagsisilakad na itinatanyag ang pangalan ng ating samahan o organisasyon at hindi ang Banal na Pangalan ng Panginoong Dios.

Sa ganitong katwiran din naman, kung ang mga alagad ng Panginoong Jesucristo ay nagbabahagi laban sa kanilang sarili ay paanong mananatili ang Kaharian ng Dios sa buong sanglibutan? At kung ang relihiong Cristianismo ay nagbabahagi laban sa kanyang
sarili, sa pamamagitan ng pagtatayo ng iba’t ibang mga sekta at dinominasyon, ay paano nga mamamalagi ang pagkakaisa sa Dios?

ANG PAGTATAYO NG MGA SEKTA AT DINOMINASYON
SA RELIHIONG CRISTIANISMO

Nang pasimula ay wala pang pagkakabahagi ang relihiong Cristianismo, sapagka’t halos lahat ng nagsisampalataya at nagsitanggap sa Evangelio ni Cristo ay nakilala lamang sa tawag na “Cristiano maging ito’y Judio o Gentil.” (GAWA 11:26) Gayunma’y pagkalipas ng panahon ng mga Apostol ay nagkaroon ng himagsikan ang mga Gentil (Griego/Romano) at mga Cristiano dahil sa pananampalataya. Noong una ang mga Romano ay tulad din ng mga Griego, ay mga Gentil pa sa kanilang pananampalataya at ang paraan ng kanilang pagsamba ay katulad ng mga pagano na dinidios o dinadakila ang araw at buwan at ang mga larawang inanyuan ng kanilang mga kamay.

Datapuwa’t nang maging Hari o Emperador ng Roma si Constantine ay nagsimulang magkaroon ng malaking pagbabago ang pananampalataya ng mga Gentil. Sapagka’t si Constantine bagaman
Romano sa lahi ay sumasampalataya sa Aral ng Panginoong Jesu-Cristo at siya’y naging Cristiano sa paniniwala; lalo na nang ang Dios ay magpatotoo sa kanya sa pamamagitan ng dakilang pangitain, nang makita niya sa kalawakan ang tanda ng krus na liwanag. Ang tandang ito ang naging patnubay niya sa lahat ng kanyang pakikipaglaban na pawang napagtagumpayan niya. Ngunit nang maglaon ay napagwari ni Haring Constantine na ang mga pakikibaka at ang mga digmaang ito ay walang kabuluhan. At napagtanto niya na kung siya ay tunay na sumasampalataya ay nararapat na lumakad siya ayon sa kautusan at aral ng Dios. Sapagka’t ang Panginoong Jesus ay hindi nangaral ng pakikibaka laban sa laman at dugo bagkus ayon sa Espiritu, na hindi tao ang ating kaaway kundi ang mga masasamang pag-aakala, ang maling pananampalataya, at lihis na aral at ang kapangyarihan ng kadiliman. Datapuwa’t tungkol sa lahat ng mga tao ay ipinagutos niya ang pag-ibig at kapayapaan sa abot ng ating makakaya. Ipinagutos din niya na huwag lamang ang ating mga kaibigan ang iibigin bagkus pati ang ating mga kaaway. Dahil sa banal na katuwirang ito ay iniutos ni Constantine ang pagtigil ng digmaan at ang pagkakaroon ng kalayaan ng pananampalataya – ang mga Romano ayon sa kanilang kinagisnang paraan ng pagsamba at ang mga Cristiano ayon sa aral ng Panginoon. At sa hangarin na lalong mapaglapit ang kalooban ng dalawang ito (sapagka’t mahal niya kapuwa; yamang siya’y Romano ayon sa lahi datapuwa’t Cristiano sa pananampalataya) ay nagtayo siya ng isang malaking templo sa Roma upang magsilbing dakong simbahan ng mga Romano at Cristiano. Gayunma’y nagkaroon ng magandang layunin ang Emeperador Constantine na unti-unting buksan sa aral ng Dios ang mga kalahing Romano. At di-naglaon, sa masusing pangangaral ng Banal na kasulatan at ng Evangelio ay nagsisampalataya na ang mga Romano, na si Jesus ay siyang Cristo. Subali’t dahil Gentil sa Katutubo, ang paraan ng kanilang pagsamba ay sa pamamagitan ng mga dios-diosan at mga larawang inanyuan ng kanilang mga kamay. Anupa’t naisipan nilang gumawa ng imahen para kay Cristo na larawan ayon sa laman o bilang anak ng tao na inaakala nilang ito’y magiging kapuri-puri sa mata ng Dios. Datapuwa’t sa hindi pagkakaunawa ng katotohanan ng Dios ay naging isang pagkakamali ang pangyayaring ito, sapagka’t ang Panginoong Jesucristo mismo ang nag-utos na ang tunay na pagsamba sa Dios ay sa Espiritu at Katotohanan. Na ang Dios ay Banal na Espiritu, Infinitong Liwanag at Buhay na Walang Hanggan na hindi maaaring itulad sa larawan ng tao o anumang bagay.

Gaya nga ng nasusulat, sinabi ng Dios, “Ako ang Panginoon: na siyang Aking
Pangalan: at ang Aking Kaluwalhatinan ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang Aking mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.” (ISAIAS 42:8)

Nangyari nga na ang templong ito na itinayo ni Constantine sa Roma ay naging dakong sambahan at aralan ng dalawang grupo ng mga Cristiano, ang Judiong Cristiano at ang Romanong Cristiano. At ito ang unang sekta o dinuminasyon ng Relihiyong Cristianismo na
dumating sa ating kapanahunan at tinawag na Iglesia Romano Catolico na itinayo sa Roma ni Emperador Constantine. Sa katotohanan ay hindi pa nga dalisay na doktrina ng Cristianismo ang pinaiiral ng Romano Catholico, palibhasa’y sa isang panig ay ang pananampalataya sa Dios Ama, kay Cristo at sa Santisima Trinidad o Tatlong Banal na persona; nguni’t sa kabilang panig naman ay ipinagpatuloy pa rin ang pagsamba sa mga dios-diosan at mga larawang inanyuan na ipinapalagay na ang mga ito’y anyo ng Panginoong Jesus at ng mga banal na alagad. Datapuwa’t ang mga Cristiano na mga lahing Israel sa katutubo ay nanatili sa mga nasusulat na Banal na Kasulatan, Lalo na sa utos ng Dios na huwag magkaroon ng ibang mga dios sa harap Niya, ni gagawa ng anumang larawang inanyuan upang sambahin. At ang mga grupong ito ng mga Cristiano ay nagsipagtindig laban sa palatuntunan ng pagsamba ng mga Romanong Cristiano; subali’t nagmatigas ng puso ang mga Romano at pinanatili ang kanilang kaugaliang ito. Dahil dito ay nagprotesta ang mga Cristiano at sila’y humiwalay sa iglesiang ito at nagtayo ng sariling samahan sa pamumuno ni Martin Luther. At yamang sila’y nagprotesta ay tinawag silang Protestante; at ito ang ikalawang sekta ng relihiong Cristianismo. Maging sa Iglesia ng Protestante ay nagkaroon din ng mga sangay o dinuminasyon. Sapagka’t nang napagtuunan nila ng pag-aaral ang tungkol sa araw ng Sabbath ay itinakda nila itong Domingo o Linggo, datapuwa’t ang iba nama’y nagsasabing Sabado. At nagkaroon sila ng pagkabaha-bahagi, kaya’t sumibol naman ang sektang Sabadista. Habang tumatagal ang panahon ay lalo at lalong maraming samahan o sektang tinatayo ng mga taong nagsisipagsabi sa kanilang sarili na sila’y hinirang ng Dios upang magtayo ng tunay na Iglesia. (Ilan pang halimbawa ng mga sektang ito ay Aglipayan, Mormons, Saksi ni Jehova, Iglesiang itinayo ni Manalo, at marami pang iba.) Datapuwa’t ang sanhi ng pagkakabahagi o paghihiwalay ng mga Cristiano ay ang di-pagkakakilala sa Katotohanan ng Dios na siyang gumawa ng Kaharian ng Langit at ang tunay na Katuwiran ng Evangelio ni Cristo – sapagkat pinagsikapan nilang ipaliwanag ang Evangelio ng Dios sa pamamagitan ng kanilang sariling kaisipan at katalinuhan at hindi hinahanap ang unawang kaloob ng Espiritu Santo o Diwang Banal. Nasusulat, “Na malaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka’t hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyukan ng Espiritu Santo.” (2 PEDRO 1:20-21)

NASA TUNAY NA RELIHION ANG MGA GAWA NG PANANAMPALATAYA; HINDI SA PANGALAN NG ANOMANG SAMAHAN

“Anong pakikinabangin mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? Makapagliligtas baga sa kanya ang pananampalatayang iyan? Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw, At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, magsiyaon kayong payapa, kaya’y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma’y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito? Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili. Oo, sasabihin ng isang tao, ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako’y mayroong mga gawa: ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita ko sa iyo ang aking pananampalataya. Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig. Datapwa’t ibig mo bagang malaman, oh taong walang kabuluhan, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog? Hindi baga ang gating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kanyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya; At natupad ang kasulatan na nagsasabi, at si Abraham ay sumasampalataya sa Dios, at yao’y ibinibilang na katuwiran sa kanya; at siya’y tinawag na kaibigan ng Dios. Nakikita mo na sa pamamagitan ng mga gawa’y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pananampalataya lamang. At gayon din naman hindi rin baga si Rahab na patutot ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa tinanggap niya ang mga sugo, at kanyang pinapagdaan sila sa ibang daan? Sapagka’t kung paanong ang katawan na walang Espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (SANTIAGO 2:14-26)

HINDI MGA GAWA NG KAUTUSAN NG LUMANG TIPAN; KUNDI MGA GAWANG BUNGA NG PANANAMPALATAYA KAY CRISTO JESUS

“Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at di dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing ganap ang sinomang laman.” (GALACIA 2:16) “Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng mga kautusan ay walang laman na aariing ganap sa paningin Niya; sapagka’t sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan. Datapuwa’t ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta; Samakatuwid baga’y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka’t walang pagkakaiba; Sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.” (ROMA 3:20-23)

Datapuwa’t ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo
ay hindi sa pamamagitan ng pananalita lamang kundi may patotoo ng mga gawa sa lahat ng paraan ng ating pamumuhay. Dahil dito’y sinabi ni Cristo Jesus ang ganito: “Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; O kundi kaya’y magsisampalataya sa Akin dahil sa mga gawa rin. Katotohanan, katotohanang sinabi ko sa inyo, ang sa akin ay sumasampalataya ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.” (JUAN 14;11-12) “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang Magsasaka. Ang bawa’t sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis Niya; at ang bawa’t sanga na nagbubunga ay nililinis Niya, upang lalong magbunga. Ako ang Puno ng Ubas, kayo ang mga sanga; Ang nananatili sa akin at ako’y sa kanya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.” (JUAN 15:1-3)

Kaya nga hindi tayo inaaring ganap sa salita lamang, ni hindi tayo hinahatulan sa pamamagitan ng pananampalatayang walang mga gawa kundi ayon sa mga gawang patotoo na bunga ng ating pananampalataya.
Gaya ng nasusulat, “Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t gawa sa kahatulan, pati ang bawa’t kubling bagay, maging ito’y mabuti o maging ito’y masama.” (ECCLESIASTES 12:14)

ANG TAONG RELIHIOSO AY NAG-IINGAT SA KANYANG MGA SALITA

“Kung ang sinoman ay nag-iisip na siya’y relihioso samantalang hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihion ng taong ito’y walang kabuluhan.” (SANTIAGO 1:26)


Tunay nga mga kapatid, na kung nag-aakala ang sinoman na siya’y relihioso’y nagpipigil sa kanyang dila at nag-iingat sa kanyang pananalita. Sapagka’t sa pamamagitan ng salita ay hinahatulan tayo at sa pamamagitan din naman ng salita ay pinababanal tayo. Sapagka’t ang dila ay siyang nagpapahayag ng haka ng puso’t diwa ng tao na lumalabas sa bibig; Gaya ng nasusulat, “Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinag-aalab ng lubhang maliit na apoy! At ang dila’y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili’t iba ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagniningas ng impierno. Sapagka’t ang bawa’t uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga nagsisiusad at mga bagay sa dagat, ay pinaaamo, at napaaamo ng tao: Datapuwa’t ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay: Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios: Sa bibig din lumalabas ang pagpupuri’t paglalait. Mga kapatid ko, ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon. Ang bukal baga’y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait? Maaari baga, mga kapatid ko, na ang puno ng igos ay magbunga ng aseitunas o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig.” (SANTIAGO 3:5-12)

ANG DALISAY NA RELIHION SA MATA NG DIOS

Sinulat ni Apostol Santiago,
“Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pag-ingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.” (SANTIAGO 1:27)

Mga kapatid, dito ay may unawa,
Kung atin ngang susurihing mabuti ang sinasabi ni Apostol Santiago na kung ano ang dalisay na relihion sa mata ng Dios ay hindi siya tumutukoy ng anomang samahan o sekta, bagkus ng isang gawa ng pananampalataya; sapagka’t ang salitang “dalawin” ang mga ulila at mga babaing bao ay nagpapahayag ng isang gawain na dapat ganapin. Sino ang mga Ulila at mga Babaing Bao? Upang ating lalong mapag-unawa ang aral ng Dios ay nararapat nating tandaan ang sinalita ni Jesus; “Ang Espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.” (JUAN 6:63)

Gayon nga, mga kapatid, ang mga pananalita ng Panginoong Jesus ay ayon sa Espiritu at hindi ukol sa laman o panlupa.
Dahil dito ang tinutukoy ng kanyang apostol na ULILA ay hindi ayon sa laman bagkus ang mga ulila sa Espiritu. Sapagka’t kung paano tayong mga tao ay mayroong mga magulang sa laman sa ibabaw ng lupa, ay mayroon naman tayong isang Ama o magulang sa Espiritu sa sangkalangitan; samakatuwid baga’y ang Dios Ama na siyang lumalang sa atin at nagbigay sa atin ng ating mga magulang sa laman. Kaya nga, kung paanong ang isang tao na nawalan ng ama at ina sa lupa ay tinatawag na ulila ay gayon din naman ang isang taong walang nakilalang Ama sa Espiritu ay tinuturing na ulila sa mata ng Dios; yamang ang mga tao nga’y lahi ng Dios sa kanyang Espiritu at anak niya; gaya ng nasusulat, “Aking sinabi, kayo’y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng kataas-taasan gayunma’y mangamamatay kayong parang mga tao, at mangabubuwal na parang isa sa mga pangulo.” (AWIT 82:6, 7)

Kaya huwag lamang tayong maging tulad sa maraming relihioso na ang pinaroroonan at inaaliw lamang ay ang mga batang paslit na mga ulila sa magulang sa laman (bagaman ito’y kabutihan din naman), bagkus lalong higit nating pagsikapang dalawin ang mga tunay na ulila sa Espiritu, matanda, bata, lalaki at babae, upang ipakilala’t ipangaral ang Ama ng lahat ng tao, ang Dios ng kaluwalhatian. Sapagka’t sa ganitong dahilan naparito ang Anak ng Dios, ang Panginoong Jesucristo, upang ipakilala ang Dios Ama, gaya ng nasusulat, “Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng Nagsugo sa Akin.” (JUAN 6:38) “At ngayon, Ama, Luwalhatiin mo Ako sa Iyo rin ng kaluwalhatiang Aking itinamo sa Iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon. Ipinahayag ko ang Iyong Pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila’y Iyo at sila’y ibinigay Mo sa Akin; at tinupad nila ang Iyong Salita. Oh, Amang Banal, hindi ka nakilala ng sanglibutan, nguni’t nakilala kita: at nakilala ng mga ito na Ikaw ang nagsugo sa akin; At ipinakilala ko sa kanila ang Iyong Pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pag-ibig na sa akin ay iniibig Mo ay mapasa kanila at ako’y sa kanila.” (JUAN 17:5, 6, 25, 26)

Sino naman ang mga BABAING BAO? Yamang ang tao nga ay nilalang na may katawang ukol sa laman a t katawang ukol sa Espiritu,
ay mayroon din namang itinakda ang Dios na pag-aasawang ayon sa laman at pag-aasawang ayon sa espiritu. Ang asawa ng tao ay ang kanyang kapuwa tao, lalake para sa babae at babae para sa lalake; datapuwa’t ang asawa ng tao ayon sa Espiritu at Katotohanan ay ang Dios na may lalang sa kaniya, kay Cristo na Panginoon ng mga hukbo. Sapagka’t kung paanong ang dalawang laman na pinagsama ay ikinasal ay gayon din naman ang dalawang Espiritu na pinag-isa ay ikinasal bilang mag-asawa. “Kayo’y manumbalik, oh tumatalikod na mga anak, sabi ng Panginoon, sapagka’t ako’y Asawa ninyo; at kukuha Ako sa inyo ng isa sa isang bayan at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Sion.” (JEREMIAS 3:14)

Kaya nga ang Dios, ang Ama na nagbahagi sa ating lahat na mga tao ng kanyang Espiritu na ating buhay ay siyang ating tunay na Asawang Banal; at gayundin ang Cristo na ating Panginoon na siyang ating manunubos at Tagapagligtas na siyang nagpabago ng ating mga diwa sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay siya ring ating Kasintahan sa Espiritu.
Ngayon, sa mag-asawa ay mayroong lalake at mayroon ding babae; ang lalake ay siyang Pangulo ng babae sapagka’t siyang unang nilalang sa Larawan ng Dios at ang babae’y kinuha naman sa tadyang ng lalake. Gayundin naman, ang pag-aasawang ayon sa Espiritu ay may tumatayong lalake at babae. Sapagka’t ang Panginoon, na ating Asawa, ay siyang Pangulo ng Iglesia (at tayoy’ kaniyang Iglesia) ay siya nga ang tumatayong Lalake sa Espiritu at tayong lahat, maging lalake o babae, matanda o bata man ay tumatayong mga babae sa Espiritu.

Totoo nga, tayong lahat ay nararapat makasal kay Cristo, sapagka’t ang lahat ng binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo; at ang ating Espiritu ay kinakailangang makataling puso ng Espiritu ni Cristo upang tayo ay makiisa sa Dios Ama.
Dahil dito ay huwag nating ipalagay na si Cristo ay taong ayon sa laman na ang mga ikinakasal sa Kanya ay ang mga babaeng ayon sa laman, sapagka’t ang Cristo na Anak ng Dios ay Espiritu na nananahan sa katawang laman: sapagka’t ang Dios ay Espiritu at ang anak ng Dios ay Espiritu rin. Gaya ng nasusulat, “Ang ipinanganak ng Laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga.” (JUAN 3:6) “Ngayon ang Panginoon ay siyang Espiritu at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan.” (2 CORINTO 3:17)

Mga ginigiliw kong kapatid, ang kinauuwian ng lahat ng
aking salita ay ito: ang tunay na relihion sa mata ng Dios ay hindi yaong mga samahan o sekta o mga kapisanan, na isang bahagi lamang ng Relihiong Cristianismo; bagkus ay ang pananampalataya ng bawa’t isa na may bungang mga gawa ng pag-ibig at pagsunod sa kautusan at katwiran ng Dios; ito’y ang pagkakapatiran at ang samahang pakikipagkaisa ayon sa Espiritu sa Banal at Lihim na Pangalan ni Cristong Panginoon. Kaya’t akin lamang sanang habilin at samo sa lahat na alisin na natin ang pagkakabaha-bahagi at pagkakampi-kampi, at tayo’y magkaroon ng isa lamang pag-iisip at pananampalataya sang-ayon sa tunay na katotohanan ng Evangelio ng Dios.



lordcenon
lordcenon
Latest page update: made by lordcenon , Aug 28 2007, 7:01 PM EDT (about this update About This Update lordcenon Edited by lordcenon

1 word added
25 words deleted

view changes

- complete history)
Keyword tags: relihiyon saliksikin
More Info: links to this page
There are no threads for this page.  Be the first to start a new thread.

Related Content

  (what's this?Related ContentThanks to keyword tags, links to related pages and threads are added to the bottom of your pages. Up to 15 links are shown, determined by matching tags and by how recently the content was updated; keeping the most current at the top. Share your feedback on Wetpaint Central.)