Saliksikin : Kabanata 5 Ang Bagong AdamThis is a featured page

ANG BAGONG ADAM

– ANG BAGONG TAO


Ang dating tao ay nakalimot na sa kanyang sarili; hindi na niya nalalaman ang kaniyang pinanggalingan at ang kanyang paroroonan. At ito’y nangyari dahil sa lalang ng diablo na siyang dumaya sa isipan at puso ng tao buhat pa ng pasimula.

At sa dahilang ito ay isinugo ng Dios Ama ang kaniyang Panganay na Anak na siyang kinalulugdan niya sa lahat, si Jesucristo, upang sirain ang gawa ng diablo. Iniatang sa kaniyang katawan ang kasalanan ng laman upang dalhin sa krus ng kamatayan sa ikatutubos ng mga nagsisisampalataya.

Kaya ang Cristo ng Dios ay nagkatawang tao upang
maging Bagong ADAM na Espiritung nagbibigay buhay; upang maging dakilang halimbawa, na sa pamamagitan niya ay maaninaw natin ang katotohanan ng Dios na nasa kaniya at nasa atin, samakatuwid baga’y ang espiritu ng Ama na Anak ng Dios na nananahan sa atin.

Sapagka’t hindi naparito si Jesucristo upang patunayan lamang sa kaniyang sarili na siya’y Anak ng Dios, yamang talos Niya at ng Kanyang Ama ang bagay na ito. At kung ang pinatotohanan niya ay ang kanyang sarili lamang ay wala ngang pakikinabangin sa anumang paraan ang mga nagsisisampalataya.

Datapuwa’t isinugo ng Ama ang Bugtong na Anak at Panganay sa mga anak ng Dios upang sa
pamamagitan niya ay mapagkilala ng bawa’t tao ang pagkakaroon niya ng kaugnayan sa Dakilang Lumikha yamang tayo ngay mga anak ng Dios buhat pa ng pasimula. At nagkatawang tao ang Cristo at naging kasing anyo natin upang lalong mapag-unawa natin ang pagiging katulad niya: na bagaman Siya ay nasa anyong laman ay ipinahayag ang Anak ng Dios na Espiritu na nasa Kaniya, ay gayun din naman tayo bagaman nasa laman, gayunma’y mga anak din ng Dios dahil sa Espiritu na buhay ng bawa’t isa sa atin; datapwa’t higit na dakila ang kapangyarihan at kabanalang nasa kay Jesucristo na ating Panginoon (sapagka’t lalong dakila ang nanubos kay sa tinubos).

Kaya nga’t nasusulat,
“Sapagka’t ang nagpapaging banal at ang mga pinapaging banal ay pawang sa isa: na dahil dito’y hindi siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid, na sinasabi, Ibabalita ko ang inyong Pangalan sa aking mga kapatid, sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo.” (HEBREO 2:11, 12) “Dito’y naging sakdal ang pag-ibig sa atin, upang tayo’y magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom; sapagka’t kung ano siya, ay gayon din naman tayo sa sanglibutang ito.” (1 JUAN 4:17)

ANG CRISTO AY ANG BUHAY NA ANAK NG DIOS NA BUHAY

Nasusulat,
“Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.” (COLOSAS 3:4)

Dito ay may unawa: kung paanong si Cristo Jesus ang Siyang Hiwaga ng Dios, ang hiwaga naman ni Cristo ay ang buhay na pumasa tao, na siyang anak ng Dios na Buhay. Pagka nakilala ng tao ang buhay na sa kaniya’y ibinigay ng Dios, na siyang Cristo na anak ng Dios na sa ati’y ipinagkaisa kay Jesucristo; at kung tayo’y mananatiling tapat sa pananampalataya at pag-asa hanggang katapusan, sa pagbabalik nga ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang Cristong Hari at Panginoon ng mga Panginoon, ay mahahayag tayong mga kasama niya sa kaluwalhatian ng Ama.


Sa mukha nga ni Jesucristo ay nakilala ng tao ang kaniyang sarili, ang tungkol sa anak ng Dios at ng buhay na walang hanggan.
Sa kahulihulihan, atin sanang talastasin na kung paanong ang Hiwaga ng Dios ay sinalita sa unang Moises, Ako Yaong Ako Nga; Sapagka’t si Moises ay hinirang ng Dios upang iligtas ang kanyang bayang Israel ayon sa laman mula sa pagkaalipin sa Egypto ayon sa Laman, at sa pamamagitan ng ibinigay ng Dios na kapangyarihan ng tungkod ni Moises ay nakipagbaka sila sa mga kaaway na bansa upang sila’y dalhin sa lupang pangako na nasa sanglibutang ito; Datapwa’t nang isugo ng Dios sa huling panahon si Jesus, na siyang Bagong Moises, upang iligtas ang bagong Israel na ayon sa Espiritu mula sa pagka-alipin sa Egypto ng pagkakasala, sa pamamagitan ng kaniyang katawan at dugo na dinaig ang kamatayan at giniba ang kaaway ng Espiritu, samakatuwid ay ang diablo, upang ang mga nagsisisampalataya ay maihatid niya sa Lupang Pangako ng sanlibutan darating, samakatuwid ay sa Bagong Jerusalem na bababa mula sa langit. At sa pamamagitan ng unang Moises ng unang panahon ay

Sinabi ng Dios: AKO YAONG AKO NGA... ITO ANG AKING PINAKAALAALA SA LAHAT NG MGA LAHI.


Na tungkol sa Hiwaga ng AKO O AKO NGA na nasa anak ng tao ay nagpatotoo ang ating Panginoong Jesus na nagsasabi,
“Hindi ninyo nakikilala Ako, ni ang Aking Ama: Kung Ako’y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang Aking Ama.” (JUAN 8:19) “Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, sukat na ito sa amin. Sinabi sa kanya ni Jesus, Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nanampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasabi sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng kanyang mga gawa.

Magsisampalataya kayo sa akin na Ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa Akin: o kundi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin.” (JUAN 14:8-11)
“Sinasabi ko nga sa inyo na kayo’y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka’t malibang kayo’y magsampalataya na Ako Nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” (JUAN 8:24) “Sumagot si Jesus sa kanila at nagsabi, Bagama’t Ako’y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka’t nalalaman ko kung saan Ako nanggaling at kung saan Ako paroroon, datapuwa’t hindi ninyo nalalaman kung saan Ako nanggaling, O kung saan Ako paroroon.” (JUAN 8:14)

“At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatotohanan niya, at walang taong tumatanggap sa kanyang patotoo. Ang tumatanggap ng
kanyang patotoo ay naglagay dito ng kanyang tatak, na ang Dios ay totoo.” (JUAN 3:32, 33) “Siya’y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta’y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. Siya’y naparito sa sariling kanya, at siya’y hindi tinatanggap ng mga sariling kanya.” (JUAN 1:10, 11)

Mga kapatid, ang Dios nga ay nasa sanglibutan, samakatuwid baga’y nasa mga tao, nguni’t hindi siya nagpagkilala ng mga tao!
Tayo’y nga’y sa kaniya at siya’y pumarito sa atin sa pamamagitan ng Espiritu niya na tumatahan sa ating katawang lupa, na nagbigay sa atin ng buhay, datapwa’t hindi natin matanggap ang katotohanan na ang Dios ay sumasa atin.

Na tungkol dito ay nagpatotoo si JESUCRISTO na nagsasabi, “Ni sasabihin man nila, naririto! O naririyan! Sapagka’t narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.” (LUKAS 17:21) “Sa katapusan ay sinabi ng Panginoong Jesus sa kaniyang mga alagad, at kung saan ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan. Sinabi sa kanya ni Tomas, Panginoon, Hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon, paano ngang malalaman namin ang daan? Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan at ang Buhay: Sinoman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung Ako’y nangakilala ninyo, ay nangakilala ninyo ang Aking Ama: Buhat ngayon Siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong nakita.” (JUAN 14:4-7) “Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may patotoo sa kaniya: ang hindi nananampalataya sa Dios ay ginagawang isang sinungaling ang Dios: sapagka’t hindi sumasampalataya sa patotoo na ibinigay ng Dios tungkol sa kaniyang Anak. At ito ang patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng Buhay: ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.” (JUAN 5:10-12) “Ang Nagsasabing siya’y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.” (1 JUAN 2:6) .

At yamang sinasabi ng isang tunay na Anak ng Dios, na Ako at ang Ama ay iisa, kung magkagayo’y kung paanong ang Ama ay Banal ay nararapat na ang Anak naman ay magpakabanal na tulad ng kaniyang Ama, gaya ng sinabi ng Panginoon, “At dahil sa kanila’y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan. At ang katotohanan sa Aki’y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila: upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.” (JUAN 17: 19, 22) “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal. (MATEO 5:48) Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ngparaan ng pamumuhay. Sapagka’t nasusulat kayo’y mangpakabanal sapagka’t Ako’y Banal.” (1 PEDRO 1:15, 16)



lordcenon
lordcenon
Latest page update: made by lordcenon , Aug 29 2007, 4:29 AM EDT (about this update About This Update lordcenon Edited by lordcenon

1 word added
17 words deleted

view changes

- complete history)
Keyword tags: bagong adam saliksikin
More Info: links to this page
There are no threads for this page.  Be the first to start a new thread.

Related Content

  (what's this?Related ContentThanks to keyword tags, links to related pages and threads are added to the bottom of your pages. Up to 15 links are shown, determined by matching tags and by how recently the content was updated; keeping the most current at the top. Share your feedback on Wetpaint Central.)