ANG DIOS AY ILAW (LIWANAG)
Nasusulat, “At ito ang pasabi na aming narinig sa kaniya at sa inyo’y aming ibinabalita na ang Dios ay ILAW, at sa kaniya’y walang anomang kadiliman.” (1 JUAN 1:5)
Ang Dios nga ay Ilaw, liwanag na nagniningning at busilak sa kabanalan, kabutihan at katarungan, at sa kaniya’y walang anomang kasamaan o karumihan, walang kadiliman sapagka’t ang kadiliman ay diablo na hari ng katiwalian.
Sinulat nga ni Haring David, “Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan; kanino ako matatakot? Ang Panginoon ay katibayan ng aking buhay, kanino ako masisindak? (AWIT 27:1) Kaunting panahon na lamang sasa gitna ninyo ang ilaw. Kayo’y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: At ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo. Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw upang kayo’y maging mga anak ng Ilaw.” (JUAN 12:35, 36)
Wariin nga natin maigi ang banal na unawa na nilalaman ng salita ng Panginoon. Na samantalang nasa atin pa ang buhay na siyang ilaw ng tao ay kilalanin natin ang bahagi ng Ama na nasa atin at magsigawa tayo ng mabuti upang maibalik nating malinis ito sa Ama na gaya ng ating tinanggap. At yamang kaunting panahon na lamang ang inilalagi ng buhay sa bawa’t tao ay lumakad na tayo sa daan ng pag-ibig, kapayapaan, at kabanalan at layuan natin ang lahat ng anyo ng kasamaan na naglalayo sa atin sa Ama ng mga Ilaw. Datapuwa’t tunay na nakakalungkot ngang gunitain na ang katotohanang ito ay wala sa lahat ng mga tao, sapagkat maraming nagsilabas na mga bulaang pastor at saserdote at dinaya ang mga murang kaisipan ng mga tao na dahil sa kawalan ng pananampalataya ay nabihag ang kanilang mga puso ng masasamang pita ng laman at kapalaluan ng sanglibutan. Na sa ganito’y nawala ang liwanag ng ilaw ng kanilang pag-iisip at naghari si kadiliman sa mga anak ng sanglibutan.
At ang Dios na Ilaw na nasa kanila buhat pa ng pasimula ay hindi na nakikilala; kaya’t sinulat ni Juan ang ganito, “At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman, at ito’y hindi napag-unawa ng kadiliman.” (JUAN 1:5) “At ito ang kahatulan na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa. Sapagka’t ang bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa. Datapuwa’t ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios.” (JUAN 3:19-21) “Kung sinasabi nating tayo’y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad sa liwanag na gaya niyang nasa liwanag, ay may pakikisama tayo sa isa’t isa at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na Kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan.” (1 JUAN 1:6, 7)
Ang nagsasabing siya’y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hangga ngayon. “Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya’y walang anomang kadahilanang ikatitisod.” (1 JUAN 2:9, 10) Mga minamahal, dito nga napapatunayan kung ang tao ay nakakakilala sa tunay na Dios, kung siya ay nananahan sa pag-ibig sa kapuwa tao, na kapatid niya sa Espiritu, gaya ng nasusulat, “Kung sinasabi ng sinoman, ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.” (1 JUAN 4:20, 21)
At tungkol dito ay sinabi ng Panginoong Jesus sa kaniyang mga alagad. “Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago. Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (MATEO 5:14, 16)
AKO YAONG AKO NGA Sa pagkakataong ito, mga kapatid, ay nananalig ako ng lubos sa Panginoon na sa inyo’y lumiwanag na ang katotohanan ng Dios, na ito’y ang kaniyang Ako Nga na nasa atin at tayo’y sa kaniya. Nang lalangin ng Dios ang tao at hingahan Niya ito ng hininga ng Buhay ay nanirahan sa katawan ng tao ang Espiritu ng Dios na nagbibigay buhay, at ng diwa’t pag-iisip, na siyang ilaw at liwanag ng tao. Ito nga ang bahagi ng sarili ng Dios na pumasa tao na siyang Ako Niya na naging ako naman ng tao. Ang pagkaunawa sa bagay na ito ang magpapaliwanag sa salita ng Dios kay Moises sa talinghaga na pinahayag at pinatotohanan ng bugtong na Anak na si Cristo Jesus sa huling panahon-Ako Yaong Ako Nga.
AT ANG TAO AY NAGING KALULUWANG MAY BUHAY Ang tatlong Bahagi ng Tao ay ang,
Espiritu - Buhay (hininga at isip)
Kaluluwa - Katawang panlangit
Katawan - laman (katawang panlupa)
Surihin nga natin ang ibig sabihin ng nasusulat na ito: at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.
Narito, ang tao (katawang laman) ay naging kaluluwa (katawang panlangit) na may buhay (may espiritu). Kahalintulad nito ay sinulat ni San Pablo, “at pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.” (1 TESALONICA 5:23)
Tunay ngang sa ati’y pinaiingatan ang tatlong bagay, na maging malinis hanggang sa pagparito ng Panginoon, at ito’y ang espiritu, kaluluwa at katawan na inihanay ayon sa kadakilaan ng mga ito. Na nangangahulugan din na pakaiwasan nga nating magkasala maging sa pamamagitan ng pag-iisip, pananalita, at sa mga gawa. Masdan nga natin ang hiwagang ito na bumabalot sa tao, na kung paano nangyari na siya ay may tatlong bahagi bagama’t iisa siya at maging tinataglay niyang buong pangalan ay tatlo bagaman siya rin ay iisa: pansarili (first name), sa ina (middle or maiden name), at sa Ama (family name).
Gayun din naman ay may lalong dakilang hiwaga ang Tatlong Persona o Santissima Trinidad ng Iisang Dios. Na ang bawa’t Banal na Persona ay may taglay na pansariling Pangalan datapuwa’t pawang nakasandig na matibay sa kataas-taasan at kabanal-banalang Pangalan ng Dios na Liwanag.
Nang isugo nga ng Panginoong Jesucristo ang kanyang mga alagad upang magsipangaral ay inutos niya sa mga ito, “Magsiyaon kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, at sila’y inyong bautismuhan sa Pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo; Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na inutos ko sa inyo; at narito, Ako’y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng Sanglibutan.” (MATEO 28:19, 20)