ANG LARAWAN AT WANGIS NG DIOS NA IBINIGAY SA TAO
– ANG AKO NGA NG DIOS –
Sa GENESIS 1:26 ay sinasabi na ang tao ay nilalang sa larawan at wangis ng Dios. Ano nga kaya ang larawan ng Dios – ang taong nasa katawang lupa nga baga? Dahil sa hindi pagkaunawa sa tunay na larawan ng Dios ay nangahikayat ang mga tao na lumikha ng mga larawang inanyuhan (Imahen) sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at ipinalagay na ito raw ang larawan ng Dios. Nguni’t suriin nawa natin nang may buong katalinuhan: Ano nga baga ang Dios? Hindi ba’t Espiritu? Ano naman ang larawan ng Espiritu? Ang lamang lupa ba? Ano baga ang larawan ng hindi nakikita; yaon bang nakikita? O ano baga ang larawan ng walang kasiraan at walang hanggan – yaon bang may kasiraan at may katapusan? Hindi nga, mga kapatid, sapagka’t sa katotohanan, ang larawan ng Dios ay kahalintulad din niya – ang Espiritu, na hindi nakikita, walang kasiraan at buhay na walang hanggan. LARAWAN
- ESPIRITU WANGIS
- KALULUWA (KATAWANG ukol sa espiritu na nagbibigay anyo nito, ANG PAGLALANG SA TAO:
ANG HIWAGA NG BUHAY NG TAO
Narito nga ang hiwaga nang paglalang ng Dios sa tao, ayon sa nasusulat: “At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hinga ng buhay at ang tao ay naging Kaluluwang may buhay.” (GENESIS 2:7)
Ang sitas na ito bagaman maikli ay siyang naglalaman at nagpapahayag ng malaking kaliwanagan sa pagkilala sa lihim na Katotohanan nang Pasimula. At dito’y nahayag ang kabuuan ng ating buong katauhan at mga bahagi.
UNANG BAHAGI:
ALABOK NG LUPA – KATAWANG LAMAN
At ang lupang bahagi ng tao ay ang katawang laman, ang pisikal na bahagi, na kung namamatay ay inililibing sa lupa at bumabalik sa alabok. Ito nga ang panlabas na bahagi ng tao na yamang hinubog sa lupa ay walang buhay sa kanyang sarili kaya’t maging ang mga halaman at mga pananim ay hindi tutubo rito malibang magkaron ng ulan at sikat ng araw. Nguni’t ang tigang na lupa ay walang buhay at hindi maaaring makapagbigay buhay, gaya ng nasusulat: “At wala pa sa lupang kahoy sa parang, at wala pang anomang pananim na tumutubo sa parang: (sapagka’t hindi pa pinauulan ng Panginoon Dios ang lupa) at wala pang taong magbukid ng lupa.” (GENESIS 2:5) IKALAWANG BAHAGI:
- ESPIRITU – BUHAY
Yamang si Adam ay lupa ay wala pa nga siyang buhay ng lalangin ang kaniyang katawang laman. Kaya’t siya nga ay tulad ng putik na hindi pa gumagalaw, at tulad ng mga larawang inanyuan o Imahen na walang buhay at hindi gumagalaw. Sapagka’t sa katotohanan ay hindi larawan ng Dios ang taong lupa na mahina at may kasiraan; datapwa’t ang mga nilililok na mga larawang inanyuhan ayon sa karunungan ng tao ay siyang larawan ni Adam, ang tao, na kinuha sa lupa. Kung ang Adam nga ay nilalang sa lupa ay paano ngang nagkaroon ng buhay ang tao?
Muli ay balikan natin ang GENESIS 2:7; “At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa; at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay. Sinong huminga? Ang Dios Kaninong hininga? Sa Dios Saan Inihinga? Sa butas ng ilong ng tao Datapwa’t ano ang Dios? Ang Dios ay Espiritu at kung Siya ay Espiritu, ang lahat ng bahagi Niya ay Espiritu rin. Ngayon, ang Hininga ng Buhay ay mula sa kalooban ng Dios galing at ito’y bahagi Niya, kung gayon ang hininga na pumasok sa ilong ng Tao at nagbigay buhay sa kaniya ay siyang Espiritu ng Dios sa Tao.
“Ang Espiritu ay nagbibigay buhay sapagka’t ang Espiritu ay Buhay. Nasusulat, sinabi nga ni Propeta Job; (Sapagka’t ang aking buhay ay buo pa sa akin, at ang Espiritu ng Dios ay nasa mga butas ng aking ilong)” (JOB 27:3)
Kaya nga, ang hininga na nasa mga butas ng ating ilong ay siyang Espiritu ng Dios, na samantalang nasasa atin pa ay may buhay pa nga ang tao. Bakit nga baga ang Espiritu ng Dios ay nagbibigay buhay? Maliban sa ang Dios ay Espiritu, ano pa baga Siya? Masdan nga natin, mga kapatid, na ang Dios na lumalang kay Adam ilang libo-libong taon na ang nakararaan ay Siya ring Dios na nakipagtipan kay Noe, Abraham, Isaac, Jacob, Jose, Moises, David, at mga propeta, hanggang ng isugo ang JESUCRISTO ay Siya pa rin ang Dios at Ama na tinatawagan ni Jesus at mga Apostoles; at hanggang sa ating panahon ay Siya pa rin at wala nang iba maliban sa Kanya na makapangyarihan.
Gaano nga kaya katagal ang buhay ng Dios? Hindi baga’t Siya ang Buhay na Walang Hanggan; gaya nang nasusulat, “At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala Siya na Totoo, at tayo’y nasa kanya na totoo, samakatuwid ay sa kaniyang Anak na si JesuCristo. Ito ang tunay na Dios, at ang Buhay na Walang Hanggan.” (1 JUAN 5:20)
At sapagka’t ang Dios nga ay siyang Buhay na Walang Hanggan, at ang Malaking Buhay at ang Buhay mismo, kaya’t nang hingahan Niya ang tao ng bahagi mula sa Kaniya, ang tao man ay nagkaroon din ng buhay sa kanyang sarili. Nasusulat na sinabi ni Jesus: “Siya nga’y hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: sapagka’t nangabubuhay sa kaniya ang lahat.” (LUKAS 20:38) “At muli ay sinabi ng Panginoon, sapagka’t kung paanong ang Ama ay may Buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban Niya ang Anak na magkaroon ng Buhay sa kaniyang sarili.” (JUAN 5:26)
Ito ang pinatotohanan ni Jesus sa lahat ng mga tao na ang espiritu at buhay na nasa tao ay siyang anak ng Dios na Buhay. Nasusulat muli, “Nilalang ako ng Espiritu ng Dios, at ang hinga ng makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.” (JOB 33:4) “At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo at kayo’y mangabuhay, at aking itatalaga kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na Akong Panginoon ang nagsalita at nagsagawa, sabi ng Panginoon.” (EZEKIEL 37:14) “Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.” (JUAN 6:63) “Sapagka’t kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayun din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (SANTIAGO 2:26) “At ito ang patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng Buhay na walang Hanggan at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.” (1 JUAN 5:11, 12) “Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng Buhay, ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.” (1 JUAN 5:11, 12) Kaya’t ang katotohanan ay ang Buhay na walang Hanggan na sa ati’y ibinigay ng Dios buhat pa ng pasimula, kung ating mapagkikilala at mapanghawakang matibay ang ating pagiging anak ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya sa salita ng Panginoong Jesucristo. At dahil nga sa kahalagahan ng buhay na nasa bawa’t tao ay natutuhan nating magbigay galang at kapurihan sa lahat ng tao anoman ang kanyang katayuan sa lupa. Na ang kadakilaan nito ay pinatunayan ng ating Manunubos na si Cristo Jesus na nagsasabi, “sapagka’t ano ang mapakikinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kanyang buhay. Sapagka’t ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (MARCOS 8:36, 37)
At upang mapagkilala natin ang kahalagahan ng buhay ay ibinaba ng Dios ang kanyang mga utos yaong, huwag kang papatay, sapagka’t hindi tayo ang may lalang nito at hindi rin natin pag-aari, kaya’t wala tayong kapangyarihan dito palibhasa’y hiram lang natin sa Dios na Kaniyang hininga na ibinahagi sa atin; gaya ng nasusulat, “Sapagka’t walang taong nabubuhay sa ganang kanyang sarili, at namamatay sa ganang kaniyang sarili, kundi ito’y kalooban ng Dios. Oh, alalahanin mo na ang aking buhay ay hinga: ang aking mata ay hindi makakakita pa ng mabuti.” (JOB 7:7)
Sapagka’t ang Dios ay banal, ang espiritung ipinagkaloob sa unang tao ay banal na espiritu; at sapagka’t siya ay kapangyarihan, ang ipinagkaloob Niya sa tao ay kapangyarihan upang mamahala siya sa buong lupa; Gayunma’y nagkasala ang mga unang taong si Adam at Eva at ang mga sumunod na mga anak nila’y naging masasama rin, kaya’t sa ganito’y inalis ng Dios ang buhay na walang hanggan sa taong lupa; gaya ng nasusulat, “At sinabi ng Panginoon, ang Aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailanman, sapagka’t siya may laman: gayon ma’y magiging isang daan at dalawangpung taon ang kaniyang mga araw.” (GENESIS 6:3) Dahil nga sa nagkasala at nangagpakasama ang mga tao ay napagtibay ng Panginoon na ang katawang laman ay marupok at madaling matukso sa masama kaya’t hindi Niya minarapat na mamalagi ang Kanyang Espiritu sa tao magpakailanman, sapagka’t nadudungisan lamang ang kabanalan nito. At dahil sa ang pagsama ng tao ay lalong lumalaganap habang tumatagal ang panahon kaya’t ang buhay ng tao sa ibabaw ng lupa ay lalo ng umiikli. Sapagka’t noong unang panahon ay higit na mahaba ang mga buhay ng ating mga magulang, gaya ng nasusulat, “At ang lahat na araw na ikinabubuhay ni Adam ay siyam na raan at tatlong pung taon, at siya’y namatay.” (GENESIS 5:5)
Masdan nga natin na ang pinakamatandang tao noong unang panahon ay tumagal ng 969 taon, subali’t ngayon ay tumatagal na lamang ng 120 taon, upang matupad ang sinalita ng Panginoon. At yamang may hangganan na ang pagtira ng espiritu sa tao ay may sukat na bilang din ang kanyang mga araw sa ibabaw ng lupa; at hindi na nga ito pinanahanan ng buhay na walang hanggan. At ng magkasala ang unang tao ay dumating sa lahat ang kamatayan sa laman na siyang hatol o parusa sa unang kasalanan (original sin). Sinabi nga ni San Pablo, “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (HEBREO 9:27)
Dito ay may unawa: kung hinatulan ang lahat ng tao ay namatay (sapagka’t ang Cristo man sa anyong laman ay pinatunayan na ang tao ay kinakailangan mamatay sa kasalanan), ano nga ang sinasabing paghuhukom pagkatapos ng kamatayan? O ano pa ang huhukuman sa tao yamang siya’y nauwi sa alabok? Talastasin nga ninyo muli, mga kapatid na nang lalangin ng Dios ang tao sa kaniyang sariling larawan at wangis, ang pinagsamang dalawang banal na bagay na ito ay pumasok sa tao nang hingahan siya ng Dios sa mga butas ng ilong; na kung lilinawin ay ang: Larawan – Espiritu Wangis – Kaluluwa
IKATLONG BAHAGI:
KALULUWA Ang kaluluwa ay siyang katawang ukol sa espiritu na nagbibigay wangis sa buhay na walang hanggan samantalang ang Laman naman ay siyang katawang panlupa. “Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapwa’t iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa. Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na mag-uli na katawang ukol sa Espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa Espiritu naman. At kung paanong tinaglay natin ang larawang ukol sa lupa ay tataglayin din naman natin ang larawang ukol sa langit.” ( 1 CORINTO 15:40, 44, 49) Kahimat kung paanong may dalawang katawan ay mayroon namang dalawang uri ng pamumuhay na nakalaan sa mga ito, isang ayon sa laman at isang ayon sa Espiritu(bagaman iisa ang buhay ng dalawang ito). At sapagka’t may dalawang uri ng katawan na ibinigay ang Dios sa tao ay mayroon din namang dalawang kamatayan ang inilaan Niya bilang parusa sa mga sadyang makasalanan. Bagaman hayag na sa atin ang unang kamatayan, yaong ukol sa katawang laman, na itinakda ng Dios sa lahat ng mga tao dahil sa pagkakasala ng unang tao; ano naman kaya ang ikalawang kamatayan?
Nasusulat nga na sa araw ng paghuhukom, “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, samakatuwid ay ang dagat-dagatang apoy. At kung sinoman ay hindi nasumpungan nakasulat sa Aklat ng Buhay, ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy.” (APOCALIPSIS 20:14, 15)
Samakatuwid, ang unang kamatayan ay sa lupa, ukol sa katawang nakikita, ang katawang laman, ang ikalawang kamatayan ay sa langit, ukol sa katawang di nakikita, katawang ukol sa Espiritu, ang kaluluwa. Datapwa’t lalong kakila-kilabot ang ikalawa o huling kamatayan sapagka’t siyang katapusan ng katawang may pag-asa nga sana na magmana ng buhay na walang hanggan, kung magtagumpay sa pamamagitan ng pananampalataya.
Muli ay sinabi ng Panginoon, “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapwa;’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: Kundi bagkus ang katakutan ninyo yaong nakapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impierno.” (MATEO 10:28)
Huwag nga natin katakutan ang tao na pumapatay ng katawan ng kapuwa tao nguni’t hindi makapupuksa ng kululuwa; ang tunay nating katakutan ay ang Dios na siyang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng katawang lupa at ng kaluluwa. Nang ipagkaloob nga ng Dios sa tao ang kaniyang Espiritu ay nagkaroon siya ng buhay na walang hanggan; nguni’t nang magkasala ang tao ay hinatulan ang katawang laman na mamatay, samakatuwid ay ang pag-alis ng Espiritu na siyang bumubuhay sa katawan. At ang magdadala ng Espiritu o ng buhay sa paghuhukom ay ang kaluluwa na siyang katawang panlangit. Kaya nga’t napakahalaga na huwag mahatulan ng ikalawang kamatayan ang kaluluwa nang ito ay makapagmana ng buhay na walang hanggan, samakatuwid baga’y ang hindi na paglisan ng Espiritu sa kaniya magpakailanman, upang mamalagi ang buhay na walang hanggan. Dahil nga sa malaking pagkakasala ng tao at di pananatiling tapat sa tipang ibinigay sa kanila ng Dios ay nalalaan na sana sa lahat ang ikalawang kamatayan; nguni’t salamat sa dakilang awa at pag-ibig ng Dios na tayo’y binigyan pa ng isang pag-asa sa buhay na walang hanggan.
Gaya ng nasusulat, “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinoman sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” (JUAN 3:16, 17)
Tunay nga na ang pananampalataya kay Cristo Jesus at ang pagtanggap sa Kanyang patotoo ay magliligtas sa atin sa ikalawang kamatayan at magbibigay ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. At ang inililigtas ng ating pananampalataya ay hindi ang ating katawang lupa kundi ang ating kaluluwa, gaya ng nasusulat, “Na inyong tinanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.” (1 PEDRO 1:9)
ANG ESPIRITU AY SIYANG DIWA NA NASA TAO
ESPIRITU - Wikang Kastila
ESPIRITUM - Wikang Latin
SPIRIT - Wikang Ingles
DIWA - Wikang Pilipino
Ang salitang espiritu (kastila) ay nangangahulugan ng DIWA (PILIPINO); At ang Diwa ng tao ay siyang kaniyang buong KAISIPAN o ISIP na pinakapuso ng BUHAY. Di nga baga ang Diwa o Isip ng tao ang siyang pinaka-makapangyarihang bahagi ng katawan na nag-uutos at nagpapagalaw ng lahat ng sangkap ng katawan ayon sa minagaling nito?
Sa pamamagitan ng Diwa o Isip na siyang Pangulo ng katawan ay nagkaroon ang tao ng UNAWA, ALAALA, BAIT, AT KALOOBAN – na siyang bumubuo sa tinatawag na BUDHI o KONSIYENSIA. Ito nga ang Diwang bahagi ng Dios na ibinigay sa tao na hindi ibinigay sa mga hayop; na sa pamamagitan nito ay nagkaroon tayo ng kapangyarihan sa lahat ng kanyang nilalang na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. At kung paanong ang ating Amang Dios ay makapangyarihan na lumikha ng mga dakilang bagay ayon sa kaniyang walang hanggang karunungan, ang tao naman na binigyan ng kanyang bahagi ay gumagawa rin ng mga bagay na dakila ayon sa sukat ng kaloob, tulad ng malalaking gusali, mga sasakyang pandagat,, panghimpapawid at panlupa, mga tuklas ng siyensia, mga pang-ekonomiya at maging ang mga kakilakilabot na sandatang pandigma gaya ng nukleyar at atomika.
At nagkaroon lamang ng kaganapan ang mga bagay na ito dahil sa kaluwalhatian at kapamahalaang ibinigay ng Dios sa tao na sana’y ginamit niya sa ikabubuti ng kapuwa tao at sa ikalulugod ng kanyang Manlilikha. O hindi nga baga namamangha ang mga dalubhasa at pantas ng siyensiya (Scientist) tungkol sa hiwaga ng kapangyarihan ng DIWA o ISIP ng tao?
Kung paanong ito’y nakakakita at gumagalaw sa daigdig ng lihim samantalang natutulog ang katawan at pikit ang mata ng tao (panaginip) kung paanong sa pamamagitan nito ay nagagawang utusan at sakupin ang pag-iisip ng ibang tao upang sumunod sa kanyang nais (Hipnotismo); kung paanong naipapaabot ang nilalaman ng kanyang ISIP sa ibang tao na nasa malayong lugar (mental telepathy); At kung paanong bumubuo ng mga dakilang plano ang diwa sa paglikha ng mga dakilang bagay? Tunay ngang makapangyarihan at mahiwaga ang diwa o isip na nalalang sa loob ng tao, yamang ito nga’y bahagi ng Banal na Diwa at Isipan ng makapangyarihang Dios.
Na dahil nga sa Espiritu ng Dios ay pumasa tao kaya’t nagtaglay din ang tao ng kapangyarihan sa kaniyang sarili na dito’ tinatawag siyang isang dios din gaya ng nasusulat, “Aking sinabi, kayo’y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan. Gayon ma’y mangamamatay kayong parang mga tao, at mangabubuwal na parang isa sa mga pangulo.” (AWIT 82:6, 7)
Muli nang nagpatotoo ang Panginoong Jesus na nagsabing Ako at ang Ama ay iisa, siya’y sinasalansang ng mga Judio na nangagsasabi, “Hindi dahil sa mabubuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong;at sapagka’t ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios. Sinagot sila ni Jesus, hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, kayo’y mga dios? Kung tinawag Niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng Salita ng Dios (At hindi mangyayaring sirain ang kasulatan).” (JUAN 10:33-35)
Ang tao nga ay dios din o munting dios, palibhasa’y anak ng Dios kung natanggap niya ang katotohanan na siyang Salita ng Dios na Ako nga. Gayon pa ma’y sapagka’t siya ay may laman ay mamamatay nga ang katawang lupa nito, samakatuwid ang alabok ay mababalik sa alabok. Kaya nga ang Ama ay tinatawag na siyang Dios ng mga dios at siyang hahatol sa mga dios, gaya ng nasusulat, “Ang Dios ay tumatayo sa kapisanan ng mga dios; Siya’y humahatol sa gitna ng mga dios.” (AWIT 82:1) “Sapagka’t bagama’t mayroong tinatawag na mga dios maging sa langit o maging sa lupa; gaya ng may maramng mga dios at maraming mga panginoon; Nguni’t sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa kaniya;at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan Niya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa pamamagitan Niya.” (1 CORINTO 8:5, 6)
Datapwa’t bagaman ang tao nga ay may pagka-dios ay hindi marapat sa kaniya ang magmapuri sa kaniyang sarili; sapagka’t mayroon bagang magagawa ang tao kung wala ang Espiritu ng Dios sa kaniya? O may kapangyarihan ba ang tao na pigilin ang Dios na huwag alisin ang buhay at diwa na ipinahiram Niya? Kaya nga ang nararapat ay mangagpasalamat tayo sa banal na Ama sa lahat ng bagay at lalo na’t kung ang sukat na kaloob na diwa at espiritung ibinigay sa atin ay higit kaysa iba. Huwag nga tayong mangagpalalo kundi mangagpakumbaba at ayon sa sukat na kaloob ni Cristo ay bahaginan ang mga kapatid ng unawa at karunungan upang sila naman ay makinabang din sa biyaya ng Dios. Sapagka’t nasusulat, “Sino ang gumawa upang ikaw ay matangi o ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung iyong tinanggap ay bakit ka namang nagsasalita na para bagang hindi mo tinanggap.
Kaya’t ang nagmamapuri ay magmapuri sa Panginoon.” (1 CORINTO 1:31) Ang Dios ay Espiritu - ibinigay sa tao ang espiritu Ang Dios ay Buhay na walang hanggan - ibinigay sa tao ang buhay na walang hanggan Ang Dios ay Banal na Diwa - ibinigay sa tao ang diwa o isip, nang pasimula ay banal Ang Dios ay Kapangyarihan - ibinigay sa tao ang kapangyarihan upang magkaroon ng kapamahalaan sa sarili at sa kanyang kapaligiran Samakatuwid, kung ang Ama ay Dios, ay dios din ang pumasa tao; at kung ang Dios ay Ama, ang nasa tao ay anak Niya, yamang ito’y bugtong espiritu, bugtong hininga at bugtong buhay Niya. Nasusulat muli, “Nguni’t ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios.” (1 CORINTO 2:12) Dinggin nga ninyo ang katuwiran: Ang bunga ng laman ay laman nga, ang bunga ng Espiritu ay espiritu nga; ang anak ng Tao ay tao din, at ang anak ng Dios ay dios din. Dito natutupad ang kasabihang tunay, “Kung ano ang Puno ay siya ring bunga.” Ngayon nga’y napagkilala natin ang pagka-dios ng tao dahil sa Espiritu ng Dios na nasa atin. Datapwa’t bagaman ang bawa’t tao’y pinananahanan ng kapangyarihan ng Dios at siya’y munting dios sa sanglibutan, ano ngang uri ng Dios ang nararapat nating sambahin at anong uri ng Dios ang nararapat na sumaatin? Sapagka’t nalalaman natin na ang lahat ng mayroon espiritu ng Dios ay mga dios din, maging sa langit (mga anghel) at maging sa lupa (mga tao) gaya ng nasusulat. Gayon pa ma’y nalalaman natin na sa mga espiritung nilalang ng Ama ay may lumabas na naging masasama tulad ng diablo, si Satanas, na siya ring tinatawag na dimonyo. Sapagka’t ang salitang dimonyo ay mula sa salitang latin na Deummonio na ang kahulugan ay (DEUM-dios MONIO-maliit). Kaya’t ang dimonyo ay munting dios din datapwa’t sa kadiliman. Si Satanas nga ay isang dios din palibhasa’y taglay din ang espiritung mula sa Dios, na ng una’y banal nguni’t sa ganang kaniyang sariling kalooban ay nangagmataas at nagpakasama. Dahil dito, anong uri nga ng Dios ang dapat nating sambahin, tularan at makipag-isa?