Saliksikin : Kabanata 5 Patotoo ni JesusThis is a featured page

KABANATA 5
ANG PATOTOO NI JESUS SA KATOTOHANAN NG DIOS

Nang unang panahon na hirangin ng Dios si Moises upang iligtas
ang kanyang bayang Israel ay nakipag-usap nga ang Dios sa tao; “At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin; ano ang kanyang pangalan? Ano ang sasabihin ko sa kanila? At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA: at kanyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA. At sinabi pa ng Dios kay Moises,Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: Ito ang aking Pangalan magpakailanman at ito ang aking Pinakaalaala sa lahat ng mga Lahi. (EXODO 3: 13-15)

Ano nga kaya ang dakilang hiwaga na nababalot sa banal na talinghagang isinalita ng Dios tungkol sa kanyang sarili at kanyang Pangalan: AKO YAONG AKO NGA?
Pag-ukulan nga nawa ng masusing pang-unawa ang Salita ng Dios na ito: AKO (ang Kanyang Sarili) YAONG (mayroon siyang tinutukoy) AKO NGA (yaong kanyang tinutukoy) ay SIYA rin o sa Kanya rin. Gayunma’y ang kaliwanagan ng dakilang hiwaga na siyang katotohanan ng Dios ay hindi naipangaral ng hayagan noong unang panahon sa ating mga magulang hanggang sa dumating ang Binhing ipinangako ng Dios na siyang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, Samakatuwid baga’y si JESUCRISTO na Anak ng Dios. Sapagka’t kay Jesus nahayag ang Hiwaga ng Dios at karunungan ng Dios, gaya ng nasusulat; “Upang mangaaliw ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakalakip sa pag-ibig, at sa lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiwasayan ng pagkakaunawa upang makilala nila ang Hiwaga ng Dios, samakatuwid baga’y si CRISTO, na siyang kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (COLOSAS 2:2, 3) Nguni’t sa kanila na mga tinawag maging mga Judio o mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios.” (1 CORINTO 1:24)

Ngayon nga, talos ng lahat ng mga tao na ang Dios ay isang Hiwaga, oo, napakadakilang Hiwaga; at ating napag-alaman na si Cristo ang siyang hiwaga ng Dios, kaya’t kung ating makikilala ang hiwaga ni Cristo ay makikilala natin ang Dios. Datapwa’t ano nga ba ang hiwaga ni Cristo na hindi nahayag sa maraming tao? Ano nga baga si Jesus, Anak ng tao o Anak ng Dios? Sinasabi ng ilan, Anak ng Tao yamang Siya’y nasa katawang tao nang pumarito; Ang iba naman ay nagsasabi na Anak ng Dios sapagka’t ipinahayag niya na ang Dios ay Ama niya at Siya ay buhat sa Dios. Nguni’t kung atin mang maalaman ang katotohanan tungkol sa Kanya ay ano naman ang kaugnayan nito sa atin na mga anak ng tao din?

Muli sinulat ni San Pablo, “Tuloy idalangin din ninyo kami na buksan
sa amin ng Dios ang pinto sa Salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil dito’y may mga tanikala ako.” (COLOSAS 4:3)

Ano nga kaya ang hiwaga ng Dios, at hiwaga ni Cristo? Dito’y muling sumulat si Apostol Pablo,
“maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi: datapwa’t ngayo’y ipinihayag sa kanyang mga banal, Na sa kanila’y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga gentil, na ito’y si Cristo na nasa inyo, na pag-asa ninyo sa kaluwalhatian. Na siya naming inihahayag, na pinaalalahanan ang bawa’t tao at tinuturuan ang bawa’t tao, sa buong karunungan, upang maiharap namin sakdal kay Cristo ang bawa’t tao.” (COLOSAS 1:26-28)

Ano nga kaya ito, na ang hiwaga ng Dios ay si Cristo na nasa atin at siyang pag-asa ng bawa’t tao? Nasusulat pa rin,
“Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nagasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si JESUCRISTO ay nasa inyo, Maliban na nga kung kayo’y itinakwil na.” (2 CORINTO 13:5)

Ano nga muli ito mga kapatid, na kung sisiyasatin at susubukin natin ang ating sarili ng may pananampalataya ay malalaman natin na si CRISTO JESUS ay nasa bawa’t isa sa atin? At ang mga wala Niya ay mga kahabag-habag at mga itinakwil na?


BAKIT NAPARITO ANG CRISTO NG DIOS

“Sapagka’t ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang Biyaya at ang Katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni JESUCRISTO
(JUAN 1:17)

Kung paano ngang si Moises ay naging tagapamagitan ng Dios sa mga tao sa pagbibigay ng kautusan; si Jesucristo naman ang siyang Tagapamagitan ng Dios sa mga tao upang ipagkaloob ang Biyaya at Katotohanan, samakatauwid baga’y ang,
Biyaya - ang walang hanggang katubusan mula sa ikalawang kamatayan sa pamamamagitan ng banal na dugo ng kordero ng Dios na naglinis ng ating mga kasalanan; at ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus, Katotohanan - Ang Dios, Ang Salita ng Dios, AKO Yaong AKO NGA

Nang iharap nga ang ating Panginoong Jesus kay Pontio Pilato upang ipagsakdal ay sinabi nga sa Kanya ni Pilato, “Ikaw baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing Akoy’ Hari. Ako ay ipinanganak dahil dito,
dahil dito ako’y naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan, Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.” (JUAN 18:37)

Naparito nga ang Cristo ng Dios upang bigyang patotoo ang
katotohanan; Bagaman sumasa kanya ang katotohanan ay ano nga ang katotohanan na pinatotohanan niya, na ang bawa’t isang sa kanya’y may katotohanan at umaayon dito ay nakikinig ng tinig ng Panginoon?

ANG PATOTOO NI JESUS (Sa Talinhaga)

At nagpasimulang magpatotoo ang Panginoong Jesus na nagsabi,
“Ako at ang AMA ay IISA.” (JUAN 10:30) Mabigat ang pananalitang ito na binitiwan ng Panginoon na sa hindi pagkaunawa ay babatuhin siya ng mga hudyo na sinasabing, “Ikaw ang namumusong sapagka’t bagaman Ikaw ay tao ay nagpapakunwari kang Dios.” (JUAN 10:31, 33)

(Tunay nga rin naman na kung ayon sa diwa o unawang panlaman
ang ating gagamitin ay hindi maaaring mangyari ang sinalita ni Cristo yamang siya ay tao at nasa anyong laman na may kamatayan at ang Dios ay Espiritung walang hanggan. Paano nga kaya ang katotohanan sa sinabi ni JesuCristo?)

“Datapwa’t sinagot sila ni Jesus, hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi kayo’y mga dios? Kung tinawag niyang mga dios yaong dinatnan ng Salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan).” (JUAN 10:34, 35)

Lalo ngang bumibigat, mga kapatid, ang sumunod na pagpapahayag ng Panginoong Jesus, sapagka’t hindi lamang ang sarili niya ang tinutukoy niyang may pakikipag-isa sa Dios kundi yaong mga Judiong nakikipagtalo sa kanya na mga tao din naman ay tinawag niyang mga dios ayon sa nasusulat.
Gayunma’y mahalagang malaman muna natin ang isang HIWAGA, Oo siyang dakilang Hiwaga.

At ang Kanyang KATOTOHANAN ay isang Hiwaga ng Kaharian ng Langit. At dahil naman dito’y isinugo ang Bugtong at Panganay na Anak upang sa pamamagitan
Niya’y maipangaral ang Hiwaga ng Katotohanan ng Dios sa mga taong may bukas na puso at isipan sa pagkilala ng Tunay na Dios. Datapwa’t yamang ito’y banal na Lihim ay iningatang mabuti ng Anak ng Dios ang kabanalan nito na ipinahahayag lamang sa mga hinirang na nagsisisampalataya. Hindi nga sa lahat nahayag ang patotoo ng Panginoong Jesus sa katotohanan, sapagka’t gaya ng nasusulat, Marami ang tinatawag nguni’t kaunti ang nahihirang.

Na dahil pa rin dito ay nangaral ang ating Panginoong JesuCristo sa harapan ng marami sa pamamagitang ng mga pananalitang talinghaga na mahirap unawain ng taong ayon sa laman ang kaisipan; gaya ng nasusulat,
“Lahat ng mga bagay na ito’y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga talinghaga; at kung hindi sa talinghaga ay hindi niya sila kinakausap: Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Bubukhin ko ang aking bibig sa mga talinghaga; Sasaysayin ko ang mga natatagong bagay buhat ng itatag ang sanglibutan.” (MATEO 13:34, 35)

Kung gayon ay sinalita ng Panginoong Jesus ang kanyang patotoo sa pamamagitan ng talinghaga, at sa pamamagitan ng talinghaga ay binuka niya ang kanyang bibig upang ihayag ang mga lihim ng Dios buhat pa nang pasimula.

At nang tanungin siya ng mga alagad kung bakit niya pinagsasalitaan ang mga tao sa mga talinghaga, ay sumagot siya,
“Sa inyo’y ipinagkaloob ang makaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapwa’t hindi ipinagkaloob sa kanila. Sapagka’t sinomang mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng sagana: nguni’t sinomang wala pati ang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya. Kaya’t sila’y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga: Sapagka’t nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig ni hindi sila nangakakaunawa.” (MATEO 13:10-14) Dito’y ipinaalam sa atin ni Cristo na hindi ang lahat ay pinagkalooban ng karapatang makaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios, sapagka’t bagaman marami ang mga tinawag ay kaunti lamang ang nahirang. (MATEO 22:14)

At sinomang mayroong pananampalataya at pang-unawa ay bibigyan pa ng sagana ng kaalaman tungkol sa karunungan ng Dios, nguni’t ang sinomang walang pang-unawa at paniniwala, pati ang
buhay na iniisip niyang kaniya ay aalisin ng Dios na nagbigay buhay sa kaniya at siyang May-ari ng mga buhay. At sapagka’t kumapal na ang mga puso at nagsitigas na ang kanilang paninindigan sa mga sariling haka at katuwiran ayon sa sanglibutan ay hindi lumiwanag sa kanila ang hiwaga ng Dios, samakatuwid baga’y si Cristo, at at si JesuCristo nga ay naging sa kanila’y isang dakilang talinghaga at batong katitisuran. Datapwa’t sa inyo, mga minamahal, ay hindi marapat matulad sa mga itinakwil kundi sa mga may pananampalataya at may pagkakilala sa katotohanan; na loobin nawa ng Dios na kayo ay mapabilang sa mga hinirang na kaunti. At nawa’y mahayag sa inyo ang hiwaga ni Cristo na sa akin naman ay minarapat niyang mahayag upang aking ipahayag naman sa inyo ng may buong kaliwanagan.

ANG KATOTOHANAN NG DIOS
(ANG PATOTOO NI JESUS SA TALINGHANGA AY INIHAYAG SA MALIWANAG)

Nang isinugo na nga ng Panginoong JesuCristo ang kanyang mga alagad upang ipangaral ang Evangelio ay inutos niya sa kanila:
“Ang sinabi ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan; at ang narinig ninyo sa bulong ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan.” (MATEO 10:17)

Na nagangahulugang inutos niya sa mga alagad na ang mga salitang ipinangaral niya sa talinghaga ay salitain nila sa pamamagitan
ng tuwirang pananalita, at ang mga salitang mahirap unawain ay ipaunawa nila ng buong kaliwanagan. Na nagpapahayag pa rin na ang panahon ng mga talinghaga ay lumipas na, yamang naihayag na niya sa pamamagitan nito ang mga natatagong bagay buhat pa nang pasimula. Sapagka’t ng siya’y mapako na sa krus dahil sa ating mga kasalanan, ay sinabi niya sa Ama, naganap na; Natapos na; Kaya ang lahat ng alagad mula noon ay ipinangangaral ang Evangelio ng patotoo ni Jesus ng maliwanag sa mga nagsisisampalataya.

Sa ganito nga ay nararapat din naman sa atin, na mga tinawag sa huling panahon, na ipaliwanag ang katotohanan ng Dios sa hiwaga mula ngayon.
Narito ang panimula ng pagsisiyasat ng patotoo ni Jesus sa katotohanan; buksan nawa ng Panginoon ang mga diwa ng inyong unawa: “At nang malapit na si Jesus, nakita niya ang bayan, at ito’y kaniyang tinangisan na sinasabi, Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan: datapwa’t ngayo’y pawang nangatago sa iyong mga mata.” (LUKAS 19:41, 42)

Pagkakita nga ng Panginoong Jesus sa maraming taong bayan na naghihintay at umaasa sa kaniya, siya ay napighati sa damdamin saapagka’t gaya sila ng mga tupang hindi nalalaman ang patutunguhan
palibhasa’y walang pastol na tagapag-alaga. Sa ganito’y tuwiran niyang sinabi na kung nalalaman lamang ng tao na makikilala o matatagpuan natin sa ating sarili rin ang mga bagay na nauukol sa ating kapayapaan; datapwa’t ang tao’y walang kapayapaan kung hindi pa niya nalalaman ang kaligtasan; at ang kaligtasan ay nasa pagkilala ng katotohanan ng Dios; gaya ng nasusulat; “At inyong makikilala ang Katotohanan, at ang Katotohana’y magpapalaya sa inyo.” (JUAN 8:32)

Nguni’t saan natin matatagpuan ang katotohanan na siyang
kaligtasan at kapayapaan at kalayaan ng bawa’t kaluluwa? Hindi baga sinabi ni Cristo Jesus na nasa ating sarili? Datapwa’t nalihim sa ating mga mata palibhasa’y nasa loob nga at hindi itinuro sa atin ng mga mapagkunwaring saserdote at pastor.

Ang apostol Pablo man ay sumulat ng ganito:
“Datapwa’t kung ating kilalanin ang ating sarili ay hindi tayo hahatulan.” (1 CORINTO 11:13)

Ano nga kaya ang halaga ng sarili ng tao? O ano nga baga ang tao na sa kaniya’y tumatahan ang hiwaga ni Cristo, na siyang hiwaga ng Dios. At bakit kaya nagkatawang-tao ang Anak ng Dios sa ibabaw ng lupa?
Ano nga ang hiwaga ng buhay ng tao? Bakit ako isinilang sa sanglibutan at ano ang kahihinatnan ng aking buhay pagkatapos ng kamatayan? Ako baga ay isa lamang bula na sumibol at bigla na lamang mawawala? Ako ba ay nilalang upang gawin ko ang sarili kong nais at kalooban o upang lumakad at mabuhay sa kalooban Niyaong sa aki’y nagsugo sa sanglibutan?

Sapagka’t nasusulat nga, “Nguni’t pinatunayan ng isa sa isang dako, na sinasabi, ano ang tao, upang siya’y iyong alalahanin? O ang anak ng tao, upang siya’y iyong dalawin? Siya’y ginawa mong mababa ng kaunti kaysa mga anghel; Siya’y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan, at siya’y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong kamay.” (HEBREO 2:6, 7)

Bakit nga kaya mahalaga ang tao sa mata ng Dios, na siya’y kaniyang inaalala at dinadalaw sa tuwi-tuwina? At bakit sinasabing ang tao ay ginawang mababa lamang nang kaunti kaysa mga anghel? Bakit pa rin ang tao ay siyang binigyan ng kapamahalaan sa lahat ng mga nilalang sa ibabaw ng lupa?


ANG KATOTOHANAN NG DIOS AY NASA TAO, ANG HIWAGA NG CRISTO AY ANG BUHAY SA TAO

Narito, mga minamahal na kapatid, ang mga dakilang pagpapahayag ng mga natatagong bagay buhat nang itatag ang Sanglibutan na ipinahayag ni JESUCRISTO at pinatotohanan sa pamamagitan ng mga salitang talinghaga. Nang Pasimula, nilalang ng Dios ang langit at ang lupa. Una niyang inanyuan ang kaharian ng langit bago ang sanglibutan. Anim na araw (ayon sa oras ng Panginoon) na nagpagal ang Dios upang gawan tayo ng paraiso sa ibabaw ng lupa. Nilalang niya ang lahat ng mga bagay sa sanglibutan gaya ng lupa, dagat, punong kahoy at mga binhing nagkakabinhi ayon sa kani-kaniyang uri at mga ibon at hayop ayon sa kani-kaniyang uri. At nang maihanda ng ang lupa upang tirahan ay huling ginawa ng Dios ang kaniyang pinakamamahal na nilalang sa lahat upang manahin ang paraisong kaniyang nilikha at upang mamahala at magsaka ng lupa na ito’y ang TAO.

Tunay ngang sinisintang lubos ng Dios ang tao kaya’t siya’y pinagkalooban niya ng Kanyang sariling larawan at wangis, gaya ng nasusulat:
“At sinabi ng Dios, lalangin natin ang tao sa ating larawan ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. At nilalang ng Dios ang tao sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang, nilalang Niya sila na lalake at babae.” (GENESIS 1:26-27)

Narito nga ang isang banal na hiwaga: Surihin nating maigi ang sinabi ng Dios, lalangin natin ang tao sa atin larawan, ayon sa ating wangis:
Nang sinalita kaya ng Dios ito Siya nga kaya’y nag-iisa, yamang ang katagang ‘natin’ at ‘atin’ ay pangmaramihan? Sapagka’t kung siya nga’y nag-iisa ang dapat ngang nawika ng Dios ay lalangin Ko ang tao sa Aking larawan, ayon sa Aking wangis...

Sino o sinu-sino nga kaya ang kasama ng Dios nang lalangin niya ang tao?
Sang-ayon sa aklat ng mga banal na lihim at tuwiran pahayag ng Panginoon, nang lalangin ng Dios ang Kanyang kaharian sa langit ay nilalang Niya ang mga espiritu, tulad ng mga Angeles, Serapines at Querubines at iba pang mga banal, upang maging katulong ng Dios na mangalaga sa mga tao na lalalangin niya s ibabaw ng lupa. At ang unang nilalang niya ay ang Kanyang Persona, samakatuwid baga’y ang Anak at ang Espiritu Santo at sila ang tumatayong Santisima Trinidad o ang Tatlong Banal na Persona ng iisang Dios na Liwanag. Kasama nga at katulong ng Dios Ama ang kaniyang mga Persona nang lalangin nila ang tao sa kanilang sariling larawan at wangis.

Dahil nga rito ang Cristo ay naroon na sa kanan ng Dios
bilang Persona na Anak buhat na nang pasimula. Datapwa’t inihayag sa laman sa huling araw sa ikaluluwalhati natin. Kaya nga nang si Cristo, na tinawag na Jesus, ay kausap ng mga Judiong nakikipagtalo sa Kanya ay Kanyang sinabi, “Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa. Sinabi nga sa kanya ng mga Judio, wala ka pang limang pung taon, at nakita mo si Abraham? Sinabi sa kanila ni Jesus, katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago ipanganak si Abraham, ay Ako nga” (JUAN 8:56-58) Muli ng manalangin si JESUS sa Ama sa hardin ng Getsemani ay sinabi Niya, “At ngayon, Ama, luwalhatiin mo Ako sa Iyo rin ng kaluwalhatiang Aking tinamo sa Iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.” (JUAN 17:15)

Tunay nga na ang Kaluwalhatiang dinadalangin ng Panginoong Jesus sa Ama kung magaganap na niya ang kalooban Nito ay yaon ding kaluwalhatian bilang Cristo, na Personang Dios Anak na nasa kanan ng Ama. Ang pagkakaroon din ng Tatlong Persona ay nahayag sa banal na kasulatan;
“At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya; At narito, ang isang Tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya kong lubos na kinalulugdan.” (MATEO 3:16, 17)

Ang Tinig ay mula sa AMA at ang kinalulugdang ANAK ay nasa katauhan ni Jesus at ang lumapag sa anyo ng kalapati ay ang
ESPIRITU SANTO. “Muli, ay sinabi ni Jesus, ang mga bagay na ito’y sinalita ko sa inyo, samantalang ako’y tumatahang kasama pa ninyo. Datapwa’t ang Mang-aaliw, samakatwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking Pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at nagpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.” (JUAN 14:23)

Nawa’y ingatan ninyo ang banal na lihim ng Tatlong Persona na nag-uusap nang lalangin ng Dios ang tao. Inilihim nga ang bagay na ito upang maingatan ang kabanalan mula sa mga taong walang pananampalataya at pag-ibig sa Dios.





lordcenon
lordcenon
Latest page update: made by lordcenon , Aug 29 2007, 4:11 AM EDT (about this update About This Update lordcenon Edited by lordcenon

7 words deleted

view changes

- complete history)
Keyword tags: jesus patotoo saliksikin
More Info: links to this page
There are no threads for this page.  Be the first to start a new thread.

Related Content

  (what's this?Related ContentThanks to keyword tags, links to related pages and threads are added to the bottom of your pages. Up to 15 links are shown, determined by matching tags and by how recently the content was updated; keeping the most current at the top. Share your feedback on Wetpaint Central.)