Saliksikin : Kabanata 6 : Nasaan ang DiosThis is a featured page

KABANATA 6
NASAAN ANG DIOS?

- SINONG NAGTURO SA KATOTOHANAN NG DIOS
- SINONG NAG-ALIS NG SUSI NG KARUNUNGAN SA MGA TAO?

Mga sinisintang kapatid, ang pagkaalam at pagkatanggap sa karunungan ng Dios sa hiwaga ay siyang magbibigay sa atin ng lahat ng kaliwanagan at kasagutan sa maraming katanungan ng mga tao tungkol sa katotohanan ng Dios. Ngayon nga, ay natatalos na ninyo ang katotohanan ng Dios na nasa tao, samakatuwid baga’y ang AKO NGA Niya na sa ati’y ibinigay gayon sa kaniyang kagandahang loob. Na, sa ganito’y tayo nga’y mga anak ng Dios buhat pa ng pasimula, sapagka’t sa ati’y tumatahan ang espiritu ng Kaniyang Buhay.

Gayunma’y wala sa lahat ang katotohanang ito, kaya’t karamihan
pa sa ating mga kapwa tao ang hanggang sa ngayo’y nagsisipagtanong, NASAAN ANG DIOS? Palibhasa’y hindi nga itinuro sa atin ito ng mga bulaang saserdote at mga pastor na nangagpapakunwaring mga banal, na tungkol sa kanila’y sinabi ng Dios; “Hindi sinabi ng mga saserdote, Saan nandoon ang Panginoon? At silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakikilala sa Akin: ang mga pinuno naman ay nagsisalansang laban sa Akin, at ang mga propeta ay nanganghula sa pamamagitan ni Baal, at nagsilakad na sumunod sa mga bagay na hindi pinakikinabangan.” (JEREMIAS 2:8)

Sa katunayan ay hindi nga itinuro ng mga saserdote ang
katotohanan ng Dios; sapagka’t paano nga nila maipapangaral ang hiwaga ng Evangelio, kung hindi naman sila tunay na isinugo at hinirang ng Dios; at bagkus sa pag-aakalang ang paglilingkod sa Dios ay gawang pakinabang ay ikinalakal nila ang salita ng Dios, at sa pagpapakunwaring banal ay nagsihanap ng kaluwalhatian sa mga tao. Na, ang mga ganitong uri ng mga tagapagtanggol ng kautusan ay sila ring nagsipag-usig sa Panginoong Jesucristo noong kaniyang panahon. Na, tungkol sa kanila’y sinabi ng Panginoon, “Mangag-ingat kayo sa mga escriba na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig nila ang sila’y pagpugayan sa mga pamilihan, at ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong dako sa mga pigingan; Na sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing bao, at sa pagkukunwaring banal ay nananalangin ng mahaba: ang mga ito’y tatanggap ng lalong malaking kahatulan. (LUCAS 20:46, 47) “Nagsisiupo ang mga escriba at ang mga Fariseo sa luklukan ni Moises. Lahat nga ng mga bagay na sa inyo’y kanilang ipag-utos, ay gawin ninyo at ganapin: datapwua’t huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka’t kanilang sinasabi, at hindi ginagawa. Oo, sila’y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalahin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapwua’t ayaw man lamang kilusin ang kanilang daliri. Datapwa’t ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao, sapagka’t nangapagpapalapad sila ng kanilang mga pilaktera, at nangapagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit.” (MATEO 23:2-5) “Anak ng tao, manghuhula ka laban sa mga pastor ng Israel, manghula ka, at iyong sabihin sa kanila,sa mga pastor, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa aba ng mga pastor ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! Hindi baga dapat na pakanin ng mga pastor ang mga tupa? Kayo’y nagsisikain ng gatas, at kayo’y nangananamit sa inyo ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba: nguni’t hindi ninyo pinakakain ang mga tupa.” (EZEKIEL 34:2, 3) “Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng Kautusan! Sapagka’t inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok.” (LUCAS 11:52) “Datapuwa’t sa aba ninyo, mga escriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka’t hindi na kayo nagsisipasok, at ang mga nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga escriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.” (MATEO 23:13, 15) “Ang bawa’t halamang hindi itinanim ng Aking Ama na nasa kalangitan ay bubunutin. Pabayaan ninyo sila: sila’y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapwa sila mangahuhulog sa hukay.” (MATEO 15:13, 14) Sa aba ninyo, mga escriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinamuti, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.” (MATEO 23:27, 28)

Tunay nga, mga kapatid, na tayo’y pinag-iingat ng ating Panginoon Jesucristo sa mga mapagkunwaring mga alagad ng Dios, datapuwa’t silang naglalayo sa atin sa katotohanan ng Dios at nagdadala sa atin sa lihis na landas tungo sa kapahamakan. At tungkol sa kanila’y sinulat ni Pablo,
“Sapagka’t ang mga gayong tao ay bulaang apostol, mga mandarayang manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo. At hindi kataka-taka: sapagka’t si satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay mapagkunwari na waring ministro ng katuwiran; na ang kanilang wakas ay masasang-ayon sa kanilang mga gawa.” (2 CORINTO 11:13-15)

Kaya nga, sapagka’t hindi tayo nararapat na magsipaniwala at magsiasa lamang sa mga saserdote na hindi nagsisipagturo ng katotohanan ng Dios at naglihim ng susi ng karunungan, ay kinakailangang pagsikapan ng bawa’t isa na gamitin ang mabuting unawa na sa ati’y ibinigay ng Dios, at hanapin natin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng
Evangelio ni Cristo, at inutos ng Dios na siya’y ating hanapin; gaya ng nasusulat, “Hanapin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na maamo sa lupa, na nagsigawa ayon sa kaniyang kahatulan; hanapin ninyo ang kaamuan kaypala ay malilingid kayo sa kaarawan ng galit ng Panginoon.” ZEFANIAS 2:3)

ANG DIOS AY MASUSUMPUNGAN SA ATIN


Muli ay nasusulat,
“At pangangalatin kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo’y malalabing kaunti sa bilang ng mga bansa, na pagdadalhan sa inyo ng Panginoon. At doo’y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakain, ni nangakakaamoy. Nguni’t mula roon ay inyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at inyong masusumpungan, kung inyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa.” (DEUTERONOMIO 4:27-29)

“At inyong hahanapin Ako, at Ako’y masusumpungan ninyo pagka inyong siyasatin Ako ng inyong buong puso.
At Ako’y masusumpungan sa inyo, sabi ng Panginoon, at aking ibabalik uli kayo na mula sa inyong pagkabihag, at aking pipisanin kayo mula sa lahat ng bansa, at mula sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon: at aking ibabalik kayo uli sa dakong mula sa aking pinagdalhan bihag sa inyo.” (JEREMIAS 29:13, 14) “Sapagka’t ganito ang sabi ng Mataas at matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang Pangalan ay Banal; Ako’y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama riiya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.” (ISAIAS 57:15)

Ang Dios nga ay nasa kaniyang kaharian sa langit na walang hanggan, gayunma’y kasama rin Siya ng tao na nagsisisi at nagbabalik loob sa kaniya, palibhasa’y tumatahan sa tao ang kaniyang Espiritu na siyang Buhay.
“Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang Kanyang tinig, at lumakip sa Kanya: sapagka’t Siya ang iyong Buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.” (DEUTERONOMIO 30:20) “Aking iniibig sila na nagsisiibig sa Akin: at yaong nagsisihanap na masikap sa Akin ay masusumpungan Ako. Sapagka’t sinomang nakakasumpong sa Akin ay nakakasumpong ng buhay, at magtatamo ng lingap ng Panginoon.” (KAWIKAAN 8:17, 35) “Sapagka’t ang Panginoon ninyong Dios ay siyang yumayaong kasama ninyo, upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo’y iligtas.” (DEUTERONOMIO 20:4) “Upang kanilang hanapin ang Dios, baka sakaling maapuhap nila Siya at Siya’y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawa’t isa sa atin: Sapagka’t sa kaniya tayo’y nangabubuhay, at nagsisikilos at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula Sapagka’t tayo nama’y sa Kaniyang lahi. Yamang tayo nga’y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, O pilak, O ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.” (GAWA 17:27-29) “Isang Dios at Ama ng lahat, na Siyang sumasa ibabaw sa lahat at sumasalahat, at nasa lahat.” (EFESO 4:6)

Ang Dios nga ay Dios ng mga dios at Ama ng lahat ng pinagkalooban Niya ng Kaniyang Espiritu, na Bugtong na Anak, at Siya ay nasa lahat ng mga taong tumanggap sa kaniyang pagiging Anak ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Datapuwa’t kung sinasabi natin na Siya ay tumatahan sa atin ay lumakad naman tayo ayon sa kaniyang kalooban; gaya ng nasusulat, “Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh, tao, kung ano ang mabuti, at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios.” (MIKAS 6:8)

ANG TUNAY NA TEMPLO, TABERNAKULO
BAHAY AT IGLESIA NG DIOS SA SANGLIBUTAN

Mga kapatid sa espiritu ng Dios, nang tayo ay nasa wala pang kaalaman tungkol sa Evangelio ng katotohanan at tayo ay lumalakad pa sa mga palatuntunan ng mga sekta ng relihion, ay inutos nga sa atin ang pagsimba. Ngayong tayo’y mabiyayaan na ng kaniyang unawa sa lihim na katotohanan ay nararapat na nating surihing may katalinuhan ang bagay na ito. Ano nga baga ang pagsisimba o pagsasamba? Hindi baga ito ay pagparoon sa bahay sambahan upang dumalangin at magbigay puri sa Dios?

Gayunma’y hindi lingid sa atin na maaari tayong manalangin sa Dios saan mang lugar. Datapuwa’t ipinatatanim sa isipan natin ng mga saserdote na ang simbahan daw ay siyang Bahay ng Dios, kaya’t nararapat paroonan tuwing sabath. Tungkol sa bagay na ito ay nagpatotoo ang Panginoong Jesus nang kausap niya ang babaing samaritana: “Sinabi sa kanya ng babae, Ginoo, napaghahalata kong ikaw ay isang propeta. Nagsisamba ang aming magulang sa bundok na ito; at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao. Sa kaniya’y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin: sapagka’t ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio. Datapwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa Espiritu at Katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa Kanya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kanya’y nagsisisamba ay kinakailangan magsisamba sa Espiritu at sa Katotohanan.” (JUAN 4:19-24)

Talastasin nga natin, mga kapatid, ang tinuran ng Panginoon na ang pagsamba sa Dios ay hindi ang pagtungo o pagparoon sa mga itinalagang lugar o gusali bagkus sa pamamagitan ng panalangin at pagpuri ng puso’t diwa at ang pagsunod sa kautusan at kalooban ng Dios sa lahat ng ating paraan ng pamumuhay. Nguni’t paano naman ang tungkol sa itinuro ng mga saserdote’t mga pastor na ang simbahan ay siyang mga bahay at tahanan daw ng Dios? Siyasatin nga natin ang aral ng Dios sa Banal na kasulatan, na nagsasabi, “Nguni’t sinong makapagtatayo para sa kaniya sa isang bahay, dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? Sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?” (2 CRONICO 2:6)

Datapuwa’t iginawa Siya nina Moises ng Tabernakulo sa ilang at Solomon ng bahay ukol sa Kaniyang Pangalan ayon sa inutos at
ipinakitang sukat at kaayusan. Gayunma’y nang dumating si Jesucristo na Tagapamagitan ng Bagong Tipan na may lalong mabubuting pangako ay ipinahayag sa atin ang tunay na templo at bahay ng Dios sa ibabaw ng lupa.

Nasusulat nga,
“Sumaating mga magulang sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin yaon alinsunod sa anyong kaniyang nakita. Na yao’y ipinasok din ng ating mga magulang sa kapanahunan ukol, na kasama ni Josue ng sila’y magsipasok sa inaari ng mga bansa, na pinalayas ng Dios sa harapan ng ating mga magulang, hanggang sa mga araw ni David. Na nakasumpong ng biyaya sa paningin ng Dios, at huminging makasumpong ng isang tahanang ukol sa Dios ni Jacob. Datapuwa’t iginawa Siya ni Solomon ng isang bahay. Bagama’t ang kataastaasa’y hindi tumatahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ngang sinasabi ng propeta, Ang langit ay ang Aking luklukan at ang lupa ang tungtungan ng Aking mga paa. Anong anyo ng bahay ang itatayo ninyo sa Akin? Sabi ng Panginoon: O anong dako ang Aking pahingahan.” (GAWA 17:24)

Kung gayon sa katotohanan ay hindi tumatahan o tumitira ang Dios sa mga bahay o templong ginawa ng kamay ng tao. At talos natin na walang bahay o templo sa ibabaw ng lupa na hindi ginawa ng kamay o inanyuan ng katalinuhan ng tao; Ano nga, kung gayon ang tunay na bahay at templo ng Dios sa sanglibutan na hindi gawa ng kamay ng tao; bagkus ang Dios din ang gumawa ng kaniyang bahay sa kaniyang sariling kamay; nasusulat nga,

TEMPLO
“Sumagot si Jesus at sa kanila’y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw. Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu’t anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw? Datapuwa’t sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kanyang katawan.” (JUAN 2:19-21) “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.” (1 CORINTO 3:16, 17) “O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? At hindi kayo sa inyong sarili.” (1 CORINTO 6:19) “At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Dios sa mga diosdiosan? Sapagka’t tayo’y templo ng Dios na buhay, gaya ng sabi ng Dios, Mananahan Ako sa kanila, at Ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging Aking bayan.” (2 CORINTO 6:16)

TAHANAN
“Na sa kanya’y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.” (EFESO 2:22)

TABERNAKULO
“Sapagka’t nalalaman namin na kung masira ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroon kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na hindi gawa ng kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan. Sapagka’t tunay na kaming nangasa tabernakulong ito ay nagsisihibik, nangabibigatan; hindi sa ninanasa naming maging hubad, kundi sa ninanasa naming kami’y bihisan, upang ang may kamatayan ay lamunin ng buhay.” (2 CORINTO 5:1, 4) “At inaakala kong matuwid, na samantalang ako’y nasa tabernakulong ito, ay kilusin ko kayo na ipaalaala sa inyo, Yamang aking nalalaman na dumarating na madali ang paghihiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo. Oo, pagsisikapan ko na sa tuwituwina, pagkamatay ko’y inyong maalaala ang mga bagay na ito.” (2 PEDRO 1:13-15)

IGLESIA “Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang Iglesia ng Dios na Buhay, at haligi at suhay ng Katotohanan.” (1 TIMOTIO 3:15)

Kaya nga’t ang Iglesia ng Dios ay siya ring bahay ng Dios na buhay, sapagka’t ang salitang ECCLESIASTES ay latin, Iglesia ay sa kastila at bahay o tahanan ay sa ating wika: Ngayon nga, kung nasumpungan o nakilala na natin ang tunay na bahay ng Dios sa kanyang Espiritu ay napagkilala na rin natin ang tunay na Iglesia ng Dios at ni Cristo: gaya ng nasusulat,
“Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya’y iibigin ng aking Ama, at kami’y pasasa kaniya, at siya’y gagawin naming Aming tahanan.” (JUAN 14:23) “Datapuwa’t si Cristo gaya ng Anak ay puno sa bahay niya; na ang bahay niya ay tayo, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pag-asa natin hanggang katapusan.” (HEBREO 3:6) “At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito’y nakikilala natin na siya’y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.” “Dito’y nakikilala natin na tayo’y nangananahan sa kaniya at siya’y sa atin, sapagka’t binigyan niya tayo ng kaniyang Espiritu.” (1 JUAN 3:24, 4:13)

Mga kapatid, muli ay aking ipinagugunita na ang katawang lupa ng tao ay siyang templo, tabernakulo at bahay ng Espiritu ng Dios sa sanglibutan. Gaya din naman ng kaluluwa na siyang templo, tabernakulo at bahay ng Espiritu ng Dios sa sangkalangitan, bagama’t mayroon natatanging kaharian ng Dios sa langit na kinaroroonan ng Tabernakulo ng Ama, ng anak, at ng Espiritu Santo, at ng mga anghel at lahat ng mga banal na kaluluwa. At bawa’t isa sa atin ay Iglesia ng Espiritu at tayong lahat ay samasamang Iglesia ng Dios at ni Cristo sa katotohanan,
kung tayo nga’y lumalakad sa pananampalataya at kapayapaan at pag-ibig. Datapwa’t ang kinagisnan nating mga simbahan na itinayo ng mga tao ay siyang tinatawag ni Jesus na mga sinagoga o bahay pulungan at aralan. Ngayon ang kapulungan ng mga Cristiano na lumalakad sa patotoo ni Cristo ay siyang Iglesia at simbahang ukol sa Espiritu at katotohanan. Hindi ko nga sinasabing huwag kayong magsipasok sa mga sinagoga: (sapagka’t ang Panginoong Jesus man at ang mga alagad ay nagsisipasok din upang magturo ng Evangelio) datapuwa’t ingatan ninyong makiisa sa mga sinagoga na tinatahanan ng mga diosdiosan at ng mga bulaang saserdote na ipinangangalakal ang salita ng Dios. Kaya’t sa huli ay nasusulat, “Binabati kayo ng mga Iglesia sa Asia, kayo’y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Priscia, pati ng iglesiang nasa kanilang bahay.” (1 CORINTO 16:19) At batiin ninyo ang Iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo.” (ROMA 16:5)

Malasin nga natin mga kaibigan, na dalawa ang tinutukoy na bahay dito; ang una ay ang bahay ukol sa Espiritu, ang Tao, na siyang Iglesia ng Dios; at ang ikalawa ay ang bahay ng tao na ukol sa lupa. Nawa’y sumainyo ang Banal na Diwa. Siya nawa.




lordcenon
lordcenon
Latest page update: made by lordcenon , Aug 29 2007, 4:33 AM EDT (about this update About This Update lordcenon Edited by lordcenon


view changes

- complete history)
Keyword tags: dios nasaan saliksikin
More Info: links to this page
There are no threads for this page.  Be the first to start a new thread.

Related Content

  (what's this?Related ContentThanks to keyword tags, links to related pages and threads are added to the bottom of your pages. Up to 15 links are shown, determined by matching tags and by how recently the content was updated; keeping the most current at the top. Share your feedback on Wetpaint Central.)