KABANATA 8
ANG SALITA NG DIOS O ANG VERBO
Mga minamahal, matapos nating mapg-unawa at matanggap ang PATOTOO NI JESUS tungo sa pagkilala sa ating SARILI, ay nararapat nang bigyan natin ng kaukulang pansin ang isa ring lalong dakilang Katotohanan ng Dios, samakatuwid baga’y ang SALITA NG DIOS o ang VERBO NG DIOS.
Sapagka’t sa dalawang bagay na ito nauuwi ang Evangelio ng kaharian at ang buong Banal na Kasulatan, samakatuwid muli ay ang SALITA NG DIOS at ang PATOTOO NI JESUS. Gaya nga ng nasusulat. “Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at pagtitiis na kay Jesus, ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa Salita ng Dios at sa Patotoo ni Jesus.” (APOCALIPSIS1:9)
Ano nga baga ang Salita ng Dios? Sa wikang kastila ito ay – Verbo, wikang latin – Verbum, sa English ay – Word, at sa sariling wika natin ay – Salita. Sinasabi ng ilan na ang Biblia raw ang tinutukoy na Salita ng Dios. Bagaman ang Banal na kasulatan ay tunay na kinapapalooban ng Evangelio at aral ng Dios, gayunma’y hindi sinasabing ang mga salita ng Dios, na gaya nang sa maramihan, bagkus Ang Salita ng Dios na gaya ng IISA.
Masdan nga nating mabuti paanong inihayag sa Banal na Kasulatan ang hiwaga ng Salita ng Dios o Verbo ng Dios, na siyang Lihim at Banal na Katotohanan; Nasusulat. “Ang Salita na Kaniyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang Evangelio ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo (Siya’y Panginoon ng lahat). Talastas ninyo ang Salitang ito na nahayag sa boong Judea buhat sa Galilea pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan.” (GAWA 10:36,37)
Wariin nga natin mga kapatid , na ang Dios ay may ipinadalang Salita sa mga anak Israel, na kaniyang bayan sa pamamagatan ng ating Panginoong Jesucristo. At ang mga salitang ito ay ipinangaral ni Cristo sa boong Judea na siyang Salita ng Dios ayon sa Katotohanan; gaya ng nasusulat, ANG KATOTOHANAN AY ANG SALITA NG DIOS: “At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang Salita na ipinangaral, sa makatuwid baga’y ang Salita ng Dios, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng tao. Kundi ayon sa katotohanan, na Salita ng Dios, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya,” (1 TESALONICA 2:3) ANG SALITA NG EVANGELIO: “Datapwa’t ang Salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailanman. At ito ang Salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.” (I PEDRO 1:25)
ANG SALITA NG PAAGKAKASUNDO: “Samakatuwid baga’y na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan at ipinagkatiwala sa amin ang Salita ng Pagkakasundo.” (2 CORINTO 5: 19)
ANG SALITA NG BAUTISMO: “Upang kaniyang pakabanalin ito, na nalinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may Salita.” (EFESO 5:26) “Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang Salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila ng araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa.” (GAWA 2:14)
Kung gayon nga, mga kapatid, ang mga tunay na nabautismuhan ay ang mga tumanggap na ng Salita ng Dios, at ang mabautismuhan sa Salita naDios ay maliligtas, Sinabi nga ng Panginoong Jesus. “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapwa’t ang hindi sumasampalataya ay paparusahan.” (MARCOS 16:16)
ANG SALITA NA LUMALANG NG LANGIT AT LUPA “Sapagka’t nililimot nila, na mayroong sangkalangitan mula nang unang panahon, at isang lupang inanyuan sa tubig at sa gitna ng tubig, sa pamamagitan ng Salita ng Dios; Na sa pamamagitan din Nito ang sanglibutan din noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak. Nguni’t ang sanglibutan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding Salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama. (2 PEDRO 3:5-7) (HEBREO 11:3)
ANG SALITA NG TIPAN NG DIOS SA LAHAT NG LAHI “Kaniyang inalaala ang kaniyang Tipan magpakailanman, Ang Salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t- saling lahi.” (AWIT 105:8)
Datapwa’t ano kaya, mga kapatid, ang hiwagang nababalot sa Salita ng Dios? Ano ang kaniyang Salita o Verbo na Siyang lihim na katotohanan, ang Makapangyarihang lumikha, at ang Tipan na inutos sa lahat ng lahi; na sinomang mabautismuhan sa pamamagatan ng salitang ito ay maliligtas?
Ngayon nga’y tunghayan natin sa kalooban ng Dios ang katotohanan sa Salita ng Dios o Verbo ng Dios. Narito ang karunungan: Sa Apocalipsis ni San Juan ay ipinahayag niya sa atin ang hiwaga ng Verbo ng Dios; at nasusulat, “At siya’y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo: at ang Kaniyang Pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios.” (APOCALIPSIS 19:13) ANG SALITA O ANG VERBO NG DIOS AY ANG KANIYANG BANAL NA PANGALAN:
Katotohanan nga, mga kapatid, na ang Salita ng Dios ay ang kaniyang dakilang Pangalan. Na dahil sa kabanalan nito na hindi papayagan ng Dios na lapastanganin ninomang tao ay itinago sa kalihiman; na ang tumatanggap lamang ay ang mga hinirang at pinagkalooban.
At upang mailihim ito sa mga mapagpaimbabaw at bulaang mga pastor at saserdote, ay inihahali Ang Salita o Ang Verbo ng Dios na ang tunay na tinutukoy ay ang kaniyang Pangalan: Sapagka’t ang banal at kataastaasang Pangalan ng Dios ay Isang Salita, na hindi gaya ng salita ng tao, kundi Salita ng Dios sa katotohanan.
ANG TUMANGGAP NG SALITA O PANGALAN NG DIOS AY TATAWAGING DIOS O ANAK NG DIOS: “Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinasabi, kayo’y mga dios? Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng Salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan).” (JUAN 10:34-35) “Datapwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban Niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang Pangalan.” (JUAN 1:12) IPANGANAK NA MULI SA SALITA O PANGALAN NG SA DIOS: “Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng Salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.” (1 PEDRO 1:23)
NASAAN MATATAGPUAN ANG SALITA O PANGALAN NG DIOS? “Datapwa’t ano ang sinasabi nito? Ang Salita ay malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: samakatuwid bagay ang Salita ng Pananampalataya na aming ipinangangaral.” (ROMA 10:7) IPANGARAL ANG SALITA NG DIOS: “Ipangaral mo ang Salita; magsikap ka sa kapahunan, at sa di kapahunan, sumuwata ka, sumuway ka, mangaral ka na may boong pagpapahinuhod at pagtuturo.” (2 TIMOTEO 4:2)
KILALANIN AT SAMBAHIN ANG BANAL NA PANGALAN
At ngayon nga, mga minamahal ng Dios, nabubuksan na ang inyong mga diwa ng pag-iisip tungkol sa dakilang katotohanan ng Dios samakatuwid bagay ang kaniyang Banal na Pangalan o ang kaniyang Verbo; tunay na kinakailangang hanapin at kilalanin ang kaniyang Pangalan sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan; narito nga ang nilalaman ng mga kasulatan: “Sino ang sumampa sa langit, at bumaba? Sino ang pumisan ng hangin sa kaniyang mga dakot? Sinong nagtali ng tubig sa kaniyang kasuutan? Sinong nagtatag ng lahat ng mga wakas ng lupa? Ano ang Kaniyang Pangalan, at ano ang Pangalan ng Kaniyang Anak, kung iyong nalalaman?” (KAWIKAAN 30:4)
Sapagka’t ang galit ng Panginoon ay dumarating sa mga bansa na hindi kumikilala at hindi tumatawag sa kaniyang Pangalan; gaya ng nasusulat, “Ibugso mo ang iyong pag-iinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, At sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong Pangalan.” (AWIT 79:6) (JEREMIAS 10:25)
Yamang ang Pangalan ng Panginoon ay kakilakilabot at dakila sa kapangyarihan: “Walang gaya mo, Oh Panginoon; ikaw ay dakila. At ang iyong Pangalan ay dakila sa kapangyarihan.”(JEREmias 10:6)
“Sapagka’t mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila nga aking Pangalan sa mga Gentil; at sa bawa’t dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking Pangalan; at ng dalisay na handog: sapagka’t ang aking Pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni’t sumpain ang magdaraya na mayroon sa kaniyang kawan na isang lalake, at nananata, at naghahain sa Panginoon ng marungis na bagay; sapagka’t Ako’y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo at ang aking Pangalan ay kakilakilabot sa gitna ng mga Gentil.” (MALAKIAS 1:11,14) Ang Panginoong Dios ay gumagalang sa kaniyang Banal na Pangalan at hindi papayagang lapastanganin ninoman ang kaniyang Pangalan: “Ngunit iginagalang ko ang aking Banal na Pangalan, na nilapas-tangan ng sambayanan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinaroonan. Kaya’t sabihin mo sa sangbayanan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dois; hindi ko ginawa ito dahil sa inyo, Oh sangbahayan ni israel, kundi dahil sa Aking Banal na Pangalan, na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinaroonan. At aking babanalin ang aking Dakilang Pangalan, na nilapastangan sa mga bansa na inyong nilapastangan sa gitna nila; at malalaman ng mga bansa na Ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Dios, pagka Ako’y aariing banal sa inyo sa harap ng kanilang mga mata.” (EZEKIEL 36:21-23)
Kailan nga baga nagsimula ang mga tao sa pagtawag sa Pangalan ng Panginoon? Buhat pa nga ng unang panahon: “At nagkaanak naman si Set ng isang lalake; at tinawag ang kaniyang pangalan na Enos. Noon ay pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa Pangalan ng Panginoon.” (GENESIS 4:26)
Wariin nga natin, na mula kina Adam at Eva at sa kanilang mga Anak, si Cain: Abel, Set at ang naging anak nitong si Enos, ay anim na bilang ng tao pa lamang sa ibabaw na lupa nang pasimulan ng mga tao ang pagtawag sa Pangalan ng Panginoon.
“At nagtanim si Abraham ng isang punong kahoy na tamaring sa Beerseba at sinambitla doon ang Pangalan ng Panginoon Dios na walang hanggan.” (GENESIS 21:33)
At hanggang sa dumating ang Binhing ipinangako, sa makatuwid baga’y ang Panginoong Jesu-Cristo ay makaibayong binigyang kahalagahan at kapurihan ang Banal na Pangalan ng Dios Ama:
“Naparito Ako sa Pangalan na aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan ay siya ninyong tatanggapin.” (JUAN 5:43) “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang Pangalan Mo.” (MATEO 6:9) “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa Pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” (MATEO 28:19)
Sapagka’t sa banal na layuning ito’y naparito ang Anak ng Dios, upang ipakilala ang banal na Pangalan ng Ama sa mga nagsisisampalataya, na sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanan ay mabautismuhan sa Salita ng Dios:“Na sinasabi, Ibabalita ko ang iyong Pangalan sa aking mga kapatid sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo.” (HEBREO 3:12)
Datapwa’t sino-sino kaya ang mga itinuturing na tunay na mga kapatid ni Jesucristo upang sila’y pagbalitaan ng Banal na Pangalan ng Dios:
“Sapagka’t sinomang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae at ina.” (MATEO 12:50) “At ang aking Banal na Pangalan ay ipakikilala ko sa gitna ng aking Bayang Israel; at hindi ko man titiising malapastangan pa ang Aking Banal na Pangalan; at malalaman ng mga bansa na Ako ang Panginoon, ang Banal ng Israel.” (EZEKIEL 39:7)
Nang nananalangin nga ang Panginoong Jesus sa Ama sa hardin ng Getsamani ay nawika niya ang ganito:“Ipinahayag ko ang Iyong Pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila’y Iyo at sila’y ibinigay Mo sa akin; at tinupad nila ang Iyong Salita. At ipinakilala ko sa kanila ang Iyong Pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na nasa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako’y sa kanila.” (JUAN 17:6,26) Yamang ipinakilala nga ni Cristo Jesus ang banal na Pangalan ng Dios Ama ay wala nang dahilan upang ang isang tunay na sumasampalataya ay hindi makakilala sa kaniya. Sapagka’t ang anak na hindi kilala ang kaniyang ama, ni ang kaniyang pangalan ay nagiging sinungaling, gaya ng sinabi ng Panginoon; “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anuman: ang aking Ama’y Siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya’y sinasabi ninyo, na siya’y inyong Dios: At hindi ninyo Siya napagkilala: nguni’t nakikilala ko Siya: at kung aking sasabihin, na hindi ko Siya nakikilala, ay ako’y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapwa’t nakikilala ko Siya, at tinutupad ko ang kaniyang Salita.” (JUAN 8:54,55)
Datapwa’t ano nga kaya ang dahilan at hindi napagkilala ng lahat ng mga tao ang banal na Pangalan ng Panginoon Dios? Bakit nga baga hindi ito naituro sa mga relihiong itinayo ng mga saserdote? Sapagka’t ito’y ipinalimot ng mga bulaang propeta, gaya ng nasusulat; “Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso? Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng Aking Pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa’t isa sa kanila sa kaniyang kapwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng Aking Pangalan dahil kay Baal.” (JEREMIA 23:26-27) (AWIT 44:20,21)
Sapagka’t ipinalimot nga ng mga bulaang propeta at hindi naman itinuro ng mga mapagpaimbabaw na mga saserdote ang Pangalan ng Dios dahil kay Baal, na diosdiosang mga gawa ng mga kamay ng tao, ano nga ang nararapat nating gawin, maliban hanapin sa ganang ating sarili ang kaniyang Banal na Pangalan:
“Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan; Upang hanapin nila ang Iyong Pangalan, Oh Panginoon.” (AWIT 83:16)
“Aking ipaaalala ang Iyong Pangalan sa lahat ng sali’t saling lahi: Kaya’t ang mga bayan ay mangagpapasalamat sa Iyong Pangalan mapagkailan-kailan man.” (AWIT 45:17) “At silang nangakakaalam ng Iyong Pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa Iyo. Sapagka’t ikaw, Panginoon, ay hindi Mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa Iyo.” (AWIT 9:10) “At kung atin ngang hahanapin ng buong puso ay masusumpungan natin na ang kaniyang Salita o Pangalan ay malapit sa atin, sa ating bibig, at sa ating puso: “Kami ay nagpapasalamat sa Iyo, Oh Dios: kami ay nagpapasalamat, sapagka’t ang Iyong Pangalan ay malapit: Isinasaysay ng mga tao ang Iyong kagila-gilalas na gawa.” (AWIT 75:1)
Sa kaarawan ng Panginoon, ang Panginoon ay magiging isa at ang kaniyang Pangalan ay isa sa buong sanglibutan. “At ang Panginoon ay magiging Hari sa boong lupa: sa araw na yao’y magiging ang Panginoon ay isa, at ang kaniyang Pangalan ay isa,” (ZACARIAS 14:9) “Ang Iyong Pangalan oh Panginoon, ay magpakailan man; ang Alaala sa Iyo, Oh Panginoon, ay sa lahat na sali’t saling lahi.” (AWIT 135:13)
Na dahil sa kabanalan at kaluwalhatian at karangalan ng Pangalan ng Panginoon ay nagtiis ang mga alagad ng Panganoon: “Sila nga’y nagsialis sa harapan ng Sanedrin, na nangatutuwang sila’y nangabilang na karapatdapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa Pangalan.” (GAWA 5:41) “Sapagka’t dahil sa Pangalan, ay nangagsiyaon sila na walang Kinuhang anoman sa mga Gentil.” (3 JUAN 1:7)
GALANGIN AT PAKABANALIN AT INGATAN ANG PANGALAN Narito, dinggin ninyo ang utos ng Panginoon tungkol sa Paggalang at pagiingat ng kaniyang Banal na Pangalan. “Huwag mong babanggitin ang Pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan: sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang Pangalan sa walang kabuluhan.” (EXODO 20:7)
Dito ay may unawa: hindi nga maaaring banggitin ang Banal na Pangalan sa bibig ng sinomang tao yamang ang tao ay makasalanan at walang kabuluhan: “Sapagka’t kung ang sino man ay nagaakala na siya’y may kabuluhan, bagaman siya’y walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.” (GALACIA 6:30)
Tunay nga na hindi nararapat bigkasin o banggitin sa pamamagitan ng bibig ng tao ang Pangalan ng Dios; Yamang ang Pangalan ay Banal samantalang ang bibig ng katawang laman ay makasalanan na nilalabasan ng mga salitang may kapalaluan at kasinungalingan at kahalayan. Hindi nga maaari na sa isang bukal na siwang ay lumabas ang matamis at maalat na tubig; hindi rin papayagan ng Dios na ang bibig ng tao ayon sa laman na ginagamit sa pag-aalipusta sa mga kapatid ay siya ring gamitin sa pagpuri ng kaniyang Banal na Pangalan; gaya nang sinalita ng Panginoon: “Kaya’t inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, boong Juda na tumatahan sa lupain na Egipto. Narito, Ako’y sumumpa ng Aking Dakilang Pangalan, sabi ng Panginoon, na ang Aking Pangalan ay hindi mababanggit sa bibig ng sinoman sa Juda sa boong lupain ng Egipto. na sabihin, Buhay ang Panginoon Dios.” (JEREMIAS 44:26)
“At ibinuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang Pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit.” (APOCALIPSIS 13:6)
Kaya nga ang sinomang magbuka ng kaniyang bibig at bumanggit ng kaniyang Pangalan ay namumusong sa kamahalan ng Pangalan at ng Tabernakulo at ng lahat ng nangasa kaharian ng langit. Datapuwa’t upang tayo’y makatawag sa kaniyang Pangalan ay binigyan Niya tayo ng bahagi ng kaniyang Espiritu na siyang atin din namang diwa o isipan na siyang bibig at puso ng katawang panlangit o kaluluwa, na sa pamamagitan nito’y nakikipag-usap tayo sa kaniya sa espiritu. At ang lumapastangan o dumusta sa kaniyang Banal na Pangalan ay parurusahang lubha: “At ang lumapastangan sa Pangalan ng Panginoon ay papataying walang pagsala; walang pagsalang pagbabatuhan siya ng buong kapisanan; maging taga-ibang lupa o maging tubo sa lupain, ay papatayin pag lumapastangan sa Pangalan ng Panginoon.” (LEVITICO 24:16) “At huwag kayong susumpa ng hindi totoo sa Aking Pangalan, na ano pa’t lapastanganin ninyo ang Pangalan ng inyong Dios, Ako ang Panginoon.” (LEVETICO 19:12) ANG TANGING KALIGTASAN AY NASA PANGALAN Mga kapatid, marahil ay nanggigilalas kayo sa bigat ng parusang natataan sa mga taong mamusong at hindi inaaring banal ang kaniyang Pangalan gayunma’y pakatantuin ninyong lahat na kung mabigat man ang mga utos tungkol sa kaniyang Pangalan ay sapagka’t ang kaligtasan ng bawa’t nilalang ay nasa pananampalataya sa Banal na Pangalan ng Dios; Saliksin nga nating maigi ang mga kasulatan bilang patotoo sa bagay na ito: “Ang saklolo natin ay nasa Pangalan ng Panginoon, Na siyang gumawa ng langit at lupa.” (AWIT 124:8) “Buhayin mo ako, Oh Panginoon dahil sa Iyong Pangalan, sa Iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa sa kabagabagan.” (AWIT 143:11) “Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng Iyong Pangalan: At iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming kasalanan; dahil sa Iyong Pangalan.” (AWIT 79:9) “Iligtas mo ako, Oh Dios sa pamamagitan ng Iyong Pangalan, at hatulan mo ako sa Iyong Kapangyarihan.” (AWIT 54:1) “Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon. At mangyayari na ang sinomang tumawag sa Pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagka’t sa bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangakatanan, gaya ng sinasabi ng Panginoon, at sa mga nangalabi ay yaong mga tinawag ng Panginoon. (JOEL 2:31,32) “Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; ngunit hindi lalapit sa iyo. Sapagka’t Siya,y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad. Sapagka’t kaniyang inilagak ang kaniyang pag-ibig sa akin; kaya’t iniligtas ko siya: Aking ilalagay siya sa mataas, Sapagka’t kaniyang naalaman ang Pangalan Ko.” (AWIT 91:7,11,14) “Sapagka’t, ang lahat ng nagsisitawag sa Pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.
Paano nga sila magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? At paano sila magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? At paano sila mangakikinig na walang tagapangaral? At paano silang magsisispangaral, kung hindi sila mga sinugo? Gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti! (ROMA 10:13-15) “At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka’t walang ibang Pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” (GAWA 4:12)
Katotohanan ngang sinasabi ng Banal na kasulatan na walang ibang Pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa bawa’t tao na Siyang kaligtasan ng lahat kundi ang Pangalan ni Ako Nga, ang Dios na Buhay, na Siyang Pangalan Niya magpakailanman at Pinakaalala sa lahat ng mga lahi; na Siya ring dinala ng bugtong na anak ng Dios, na si Jesucristo upang ibautismo sa nagsisisampalataya. “At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang Pangalan ay pinalakas ng kaniyang Pangalan ang taong ito, na inyong nakikita at nakikilala: Oo, ang pananampalataya na sa pamamagitan niya’y nagkaloob sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.” (GAWA 3:16) “At anomang hingin ninyo sa aking Pangalan, ay yaon aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak. Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa Pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin.” (JUAN 14:13,14)
Talastasin nga natin, mga kapatid, na sa muling pagbabalik ng Panginoon Jesucristo ay titipunin Niya ang lahat ng kaniyang mga alagad na ang Pangalan ng Dios ay nakatatak sa kanilang mga noo; “At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya’y isang daan at apatnapu’t apat na libong may Pangalan Niya, at Pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo.” (APOCALIPSIS 14:1) Oo, tunay nga at walang pagtatalo, mga hinirang ng Dios, na ang boong kasulatan, mula sa unang panahon ng Lumang Tipan hanggang sa Panahong darating sa huling aklat ng Bagong Tipan, ay walang ibang higit na pinapupurihan at niluluwalhati at pinatatanggap sa bawa’t nilalang na kaluluwang may buhay kundi, samakatuwid bagay, ang kaniyang Dakila at Banal na Pangalan.