ANG KARUNUNGAN NG DIOS AT KARUNUNGAN NG SANLIBUTAN
Tungkol din naman, mga kapatid, sa ating paniwala at pananampalataya sa
sinasambang Dios, sadyang kinakailangang surihin natin kung ang uri ng pananampalataya o ang sandigan ng ating paniniwala ay ayon sa aral ng katotohanan. Sapagka’t marami sa ating mga relihiong kinagisnan o ipinamana ng ating mga magulang, na hindi sinisiyasat kung ang mga bagay na ito ay alinsunod sa Aral ng Dios. Gayunma’y paano nating malalaman ang tunay na aral ng Dios kung hindi natin ito sinasaliksik at binabasa? At paano natin ito mababasa at mapag-aaralan kung ito nga’y hindi nasusulat? Sapagka’t kung papaano ang lahat ng aral ng sanlibutan na ayon sa karunungan ng mga tao ay nasulat sa mga aklat upang maging batayan ng pagtuturo sa lahat ng panahon; ay gayundin naman ang Aral ng Dios ay nasulat sa ikatututo ng lahat ng nagsisisampalataya mula ng unang panahon hanggang sa wakas ng sanlibutan. At kung paanong ang bawa’t tao’y nagpapagal at nagsusunog ng kanyang kilay upang makapagtapos ng pagkadalubhasa sa panlupang karunungan na makapagpapaunlad sa kanyang kabuhayan sa sanlibutan; gaano pa kayang makapupong higit ang pagsisikap at pagtitiis at pagsasalisik ang nararapat sa isang taong sumasampalataya upang makaabot siya sa pagkaalam ng karunungan ng Dios sa hiwaga na magdadala sa kanya sa pag-asa sa buhay na walang hanggan? Sapagka’t bagaman mayroon din naming kaniyang sukat na pakinabang ang karunungan ng sanlibutan, ay lalong may dakilang pakinabang ang lumago tayo sa karunungan ng Dios, sapagka’t ito’y natatanging pag-aari na walang hanggan.
Nasusulat nga, “Saan naroon ang marunong? Saan naroon ang escriba? saan naroon ang mapagmatuwid sa sanglibutang ito? Hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? Sapagka’t yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Dios sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisisampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.” (1 CORINTO 1:20, 21) “At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu ng Dios at ng Kanyang kapangyarihan. Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios. Gayunma’y nangangasalita kami ng karunungan sa mga may gulang; bagaman hindi ng karunungan ng sanlibutang ito, o ng mga may kapangyarihan sa sanglibutang ito, na ang mga ito’y mangauuwi sa wala: Kundi sinasalita namin ang karunungan ng Dios sa hiwaga, yaong karunungan na tinalaga ng Dios, bago nilalang ang sanlibutan sa ikaluluwalhati natin.” (1 CORINTO 2:4-7)