*PAMAMAALAM*
Ngayon nga mga minamahal na kapatid, ay atin nang tinanggap ang ilaw ng kaliwanagan ng Banal na Hiwaga at Lihim ng Evangelio ni Cristo, samakatuwid baga’y ang Salita ng Dios O ang kaniyang Banal na Pangalan; nawa’y ihanda natin ang ating mga puso’t diwa upang tayo’y maging karapatdapat na tumanggap ng karapatang maging mga anak ng Dios, Sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang Pangalan. Kung ating ngang tunay na ilalagak sa puso ang pagsunod sa Daan ng Panginoon at susundin ang kaniyang mga utos, kung magkagayo’y tatanggap nga tayo ng banal na bautismo sa Pangalan ni Cristo Jesus.
At yamang ako man, na inyong kamanggagawa at kapatid sa Espiritu, ay hindi nangangahas na bigyang kadahilanan na ang sinoma’y mamusong O sumambitla ng Pangalan Panginoong Dios sa walang kabuluhan upang maibsan ang kabanalan nito; ay minabuti ko sa udyok ng Espiritu Santo na hindi na isama sa aklat na ito ang pagpapahayag ng tunay na Pangalan ng ating Amang Dios.
Gayunma’y ipinagkakatiwala ko kayo sa Panginoon at gayundin silang lahat na mga karapatdapat na tumanggap ng Pangalan ng Dios, na sana’y palapitin kayo ng Panginoon sa akin man o sa ibang mga tapat na kapatid na hinirang ng Dios na Mangangaral upang sa mukhaan ay maipagkaloob sa inyo ang Dakilang Pangalan ng Buhay na Walang Hanggan.
At sa makapangyarihang Dios, na mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at sa kaniya ang lahat ng mga bagay ay nagawa,
Ay sumakaniya nawa ang kapurihan at kaluwalhatian at paghahari magpakailanman. Siya Nawa. Ang Pag-ibig at kapayapaan ng Panginoong Jesucristo ay sumakaniyang mga banal.
Nagmamahal na kapatid sa Pangalan
ng Panginoon,
ADONIS B. DONATO
-P-
2nd Printing - December 2006